June 25, 2025

CIDG, huwag palagpasin ang ‘Payola Ops’ sa loob ng hanay

Hindi pa man umiinit sa puwesto, tila sinusubok na agad ang liderato ni CIDG Director BGen. Romeo Macapaz ng mga tiwaling elemento sa loob mismo ng kanyang bakuran. Sa gitna ng kanyang panunumpa sa tapat, mabilis, at walang kinikilingang serbisyo, aba’y ginawang “prente” agad ang kanyang pangalan sa isang malawakang payola collection operation na pinamumunuan umano ng isang alyas “Robert.”

Ayon sa ating mga galamay, isang “sindikato ng tongpats” ang kasalukuyang umiikot sa mga rehiyon — partikular sa Region 1, 2, 3 at CALABARZON (Region 4A). Mula umano sa mga ilegal na sugal gaya ng PAIHI, bookies, sakla, STL-con jueteng, at pergalan, ay mabilis na umani ng milyong piso ang operasyon ng grupo ni “Robert” gamit ang pangalan ng CIDG.

Sa Region 3, itinuturong ginagamit ni “Robert” si alyas “Raynier” bilang kolektor, na sinasabing kinakaladkad pa ang pangalan ni Pampanga Provincial Director Col. Eugene Marcelo. Sa Bulacan, si alyas “Ricky” naman ang umano’y tauhan ni “Robert” — na dati nang nasangkot sa holdap at panlilinlang — ay ginagamit pa ang pangalan ni Bulacan PD Col. Franklin Estoro para sa pangongolekta ng payola.

Hindi pa nakuntento, si “Ricky” ay binabanggit pa ang CIDG mismo, pati na si BGen. Macapaz, sa umano’y proteksyon na kanyang bitbit — isang malinaw na pang-aabuso ng awtoridad.

Masakit isipin na sa loob lamang ng tatlong araw, ayon sa ating galamay, ay nakalikom na ng di bababa sa ₱5 milyon si alyas “Robert” mula sa mga ilegalista sa Region 1, Region 2, Region 3, at CALABARZON — na pawang may mga aktibong regional commanders.

Walang sinisino ang operasyon — kahit mga dating opisyal gaya ni Col. Geovanny Emmerick Sibalo, na ngayo’y nasa Barangay PNP Provincial Office, ay sinasangkot sa “saklang patay” at bookies sa Cavite, Batangas, Laguna, at Quezon.

Hindi sapat na pabayaan lang ang pangalang CIDG na ginagamit ng mga ganid sa tongpats. Kung talagang seryoso ang ahensya sa ilalim ni BGen. Macapaz sa panata ng “Tapat at Serbisyong Mabilis,” panahon na upang putulin ang koneksyon ng mga tiwali — mula taas hanggang baba.

Col. Estoro, Col. Marcelo, ngayon ang panahon upang linisin ang pangalan ninyo. Huwag ninyong hayaang maging kasangkapan ng mga kolektor ang inyong reputasyon.

Ang taongbayan ay nakamasid. Ang integridad ng CIDG ay nakasalalay. Ang tanong: sino ang tunay na boss ni “Robert”? Abangan…

888

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com