December 26, 2024

CIDG AT ACG MAKIKIPAG-TULUNGAN SA FDA SA MGA ILIGAL NA NAGBEBENTA NG TOCILIZUMAB

NAGBIGAY NA NG UTOS si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMajGen. Albert Ignatius Ferro at  sa hepe ng Anti-Cybercrime Group (ACG) na makipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa talamak na iligal na pagbebenta ng gamot na Tocilizumab.

Ayon kay PGen. Eleazar “Nakarating sa inyong PNP ang isa na namang modus kung saan iligal na ibinebenta online at pinapatungan pa ang presyo ng gamot na ito. Isa itong pananamantala sa ating mga kababayang nangangailangan sa gitna ng pandemya at hindi natin papayagan ito.”

Dagdag din niya “Dahil dito, inatasan ko na ang aming ACG at ang CIDG na makipag-ugnayan sa FDA upang tugisin ang mga nagbebenta online ng Tocilizumab upang mapanagot sila sa kanilang iligal na gawain,” 

Ang Tocilizumab ay ginagamit bilang panlunas ng mga pasyenteng may COVID-19.

Pahayag naman kamakailan ng Department of Health o DOH na malaking hamon sa kanila ang pag-angkat ng naturang gamot na nagmula pa sa bansang Sweden.

May mataas na demand para sa Tocilizumab sa ibang bansa para lunasan ang banta ng Delta variant na mas mabilis makahawa mula sa iba pang variants.

Hinimok naman ni  PGen Eleazar ang publiko na agad ireport sa mga awtoridad kung may nalalaman silang mga indibidwal o grupo na nagsasamantala at nagbebenta sa online ng nasabing gamot kontra COVID-19.  (KOI HIPOLITO)