December 24, 2024

CICC: SCAMS ISUMBONG SA 1326 HOTLINE (Imbes ilabas ang galit sa social media)

MAARING isumbong ng mga biktima ng mga scam sa pamamagitan ng telepono o online ang mga insidente sa Inter-Agency Response Center ng gobyerno imbes na ilabas ang galit sa social media, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Inilabas ng ahensiya ang paalala matapos ang mga report sa social media ng GCash users na nawala ang kanilang pinaghirapang pera sa kanilang accounts.

Agad namang tinugunan ng GCash ang isyu at tiniyak sa kanilang mga customer na ligtas ang kanilang mga account.

Ayon sa mobile wallet firm, nangyari ang insidente bunga umano ng error sa isinasagawang “system reconciliation process”.

 “We encourage the public to please report to CICC if they were affected by the recent e-wallet loses. We may be able to assist them if they call 1326 so they can be assisted in the investigation instead of posting their losses in social media,” saad ni CICC Executive Director Alexander Ramos. “Your social media platforms will not in anyway assist you nor resolve your losses in your e-wallets,”  saad niya.

Nagiging takbuhan ng mga tao sa Pilipinas at sa buong mundo ang social media para ihayag ang kanilang pagkadismaya o pagtaas ng kamalayan at manawagan ng pansin sa gobyerno para sa mga isyu.

Ayon sa CICC nakipag-ugnayan na sila sa GCash kaugnay sa mga napaulat na insidente at nakikipagtulungan sa National Telecommunication Commission kung papaano matutulungan ang mga biktima.

Sinabi rin nito na na-restore na ang accounts ng mga apektado ng error nitong Sabado ng gabi.

Ni-required sa Pilipinas noong 2022 ang SIM card registration upang mabura ang mobile phone scams at spam messages pero nagpapatuloy pa rin ang mga scammer sa pambibiktima gamit ang messaging apps at text blaster gadgets para hindi na dumaan pa sa telecommunication companies.