December 24, 2024

“Christopher De Leon”, isa pa, timbog sa Valenzuela

NASAKOTE ng pulisya ang dalawang most wanted person, kabilang ang construction worker na kapangalan ng isang sikat at beteranong actor na si “Christopher De Leon” sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Valenzuela City.

Nakapiit ngayon sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela police ang naarestong mga akusado na kinilala bilang sina Christopher De Leon, 38 ng No. 06 M Gregorio St., at JB Batillano alyas Ronilo Batillano, 30 ng No. 52 Dosensa St., kapwa ng Brgy., Canumay West.

Ayon kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, dakong alas-7:55 ng gabi nang magsagawa ang Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo, PSSg Raul Quimbo, PSSg Erwin Castro, PSSg Jonathan Garcia at PCpl Jeffrey Natural Jr, kasama ang 5th MFC, RMFB, NCRPO at DACU-NPD sa pangunguna ni PMAJ Jessie Misal ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay De Leon sa A Pablo Street, Brgy., Karuhatan.

Ani Pat Roland Buenaventura, si De Leon ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong July 21, 2022 ni Presiding Judge Maria Nena Juaban Santos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 171, Valenzuela City para sa kasong New Anti-Carnapping Act of 2016 (RA 10883) na may Php300,000.00 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Nauna rito, nasakote din sa joint manhunt operation ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni PLT Albert Verano at Sub-Station 1 sa pangunguna ni PCPT Richie Garcia si Batillano sa kanyang bahay dakong alas-6:43 ng gabi.

Ani SIS chief PMAJ Marissa Arellano, si Batillano ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong July 15, 2022 ni Presiding Judge Mateo B Altarejos ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City para sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan at Malicious Mischief.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang Valenzuela police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Destura dahil sa matagumpay na operasyon kontra sa mga wanted person sa lungsod.