INIHATID na sa huling hantungan nitong Linggo sa kanyang hometown sa General Santos City si Christine Angelica Dacera, ang flight attendant na namatay sa party noong Bagong Taon sa Makati hotel.
Dumalo ang mahigit sa isang daan na kaanak at malapit na kaibigan ng 23-anyos na inilibing dakong alas-10:40 sa Forest Lake Memorial Park sa kabila ng mahigpit na seguridad ng pulisya at militar.
“We love so much our baby Ica,” saad ng kanyang ina na si Sharon Dacera. “We are praying for justice for our Baby Ica.”
Ayon kay Sharon, patuloy na humihingi ang pamilya ng hustisya para sa pagkamatay ng kanyang anak, pangalawa sa apat na magkakapatid, na natagpuang walang malay sa bathtub ng Room 2209 ng City Garden Grand Hotel sa Makati noong tanghali ng Enero 1 matapos makipag-party kasama ang mga kaibigan noong New Year’s Eve.
Agad isinugod sa ospital si Dacera pero idineklarang dead on arrival.
Apat na araw inilagak ang mga labi nito bago ihatid sa General Santos City noong Huwebes sakay ng Philippine Airlines flight.
Ayon kay Sharon, pangarap ni Christine na mailibot sa buong mundo ang kanyang pamilya kaya nagpursige itong makapagtrabaho bilang flight attendant matapos maka-graduate bilang cum laude na may communications degree sa University of the Philippines-Mindanao sa Davao City.
Karamihan sa mga dumalo sa libing ay nakasuot ng puting shirt, may face mask at face shield at sinunod ang tamang distansiya bilang health measure ng pamunuan ng sementeryo.
Nagpapasalamat naman si Sharon sa nag-alay ng panalangin para sa kaluluwa ng kanyang anak at sa mga nakisimpatiya sa pamilya.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON