BAGO pa tuluyang mag-adjourn ang huling sesyon ng 19th Congress ay humingi ng tawad si Senate President Chiz Escudero sa lahat ng mga nasaktan matapos ang pinakahuling pangyayari sa Senado.
Una nang inamin ni Escudero na siya mismo ang nanguna para palitan sa puwesto si Sen. Migz Zubiri bilang Senate President.
“Hinihingi po ng paumanhin kung may naabala man kami, kung may nasaktan man po kami. Kung meron man po kaming naapakan na paa, sana tanggapin niyo ang aking makikipagkumbaba, paghingi ng tawad, at sisikapin po namin na gawin ang aming makakaya para hindi man mahigitan ay mapantayan man lang namin ang nagawa at nakamit ng nagdaang tagapangulo ng Senado at ng bagong liderato,” pahayag ni Sen. Chiz Escudero, Senate President.
Matatandaan na nauna nang nag-sorry si Sen. Bato dela Rosa kay Sen. Migz Zubiri dahil sa hindi aniya nito naipanalo ang giyera para sa dating Senate President.
Samantala, si Sen. Robin Padilla, ipinagtanggol naman si Sen. Dela Rosa sa pagpirma nito sa resolusyon pabor kay Escudero.
“Apat kaming PDP, ako, Senator Bong Go, Sen. Bato, Sen. Tol, kami ay isang partido, kaya ang mga boto namin ay isa lang, naiintindihan ko si Sen. Bato kaya naging emosyunal siya sa pangyayari kasi talaga naman para sa atin ano,” wika ni Sen. Robin Padilla.
Ayon kay Padilla, wala nang nagawa si Bato sa mga pangyayari nang kausapin nila ang senador.
Kasi kailangan mamili siya. Partido o ‘yong kaniyang matatawag na pakikisama kay SP Migs, sympre nanaig ang party man niya,” dagdag ni Padilla.
Samantala, nagkaroon na ng re-organization sa ilang pangunahing komite sa ilalim ng bagong liderato.
Ang ilang senador, ibinoto sa mga malalaking komite kabilang na ang mga senador na bumoto pabor kay Migz Zubiri.
Si Sen. Zubiri na-elect na pamunuan ang Committee on Economic Affairs.
Si Sen. Sonny Angara naman pumalit kay Sen. Francis Tolentino bilang chairman ng Committee on Justice and Human Rights.
Na-elect namang chairman ng Senate Committee on Sustainable Goals si Sen. Nancy Binay.
Si dating Majority Floor Leader Joel Villanueva naman hahawakan ang Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
Samantalang si Sen. JV Ejercito ang magiging chairman ng Committee on Local Government.
More Stories
PNP SPOKESPERSON, REGIONAL DIRECTOR NA
DA: IMPORTED NA BIGAS HANGGANG P58/KG
UKRAINIAN MMA FIGHTER BAGSAK KAY DENICE ZAMBOANGA