November 24, 2024

CHINESE NATIONAL ‘KINOTONGAN’ NG 5 AIRPORT POLICE (Naghatid ng kaibigan sa NAIA)

SINAMPAHAN ng kaso ng PNP-Aviation Security Group ang limang miyembro ng Airport Police Department (APD) dahil sa akusasyong pangingikil sa isang Chinese national na naghatid lamang ng kanyang kaibigan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ayon kay Lt. Col. Alfred Lim, hepe ng PNP-Aviation Security, kinasuhan ng robbery extortion sa Pasay Prosecutor’s Office ang limang airport police makaraan ireklamo ng biktima.

Batay sa police report, biglaang sinita at nilapitan ang Chinese National ng limang tauhan ng airport police.

Hinanapan ito ng pasaporte at dahil hindi siya ang babiyahe kundi naghatid lang ng kaibigan na kapwa Chinese rin ay ipinakita nito ang kopya ng passport mula sa cellphone.

Sa kabila nito, dinala ang biktima sa ika-apat na palapag ng terminal 3 at gumamit ng translator application ang limang security upang sabihan na makukulong kung hindi magbibigay ng P15K para palayain.

Napilitang magbigay ang Chinese National ng P15K dala ng takot at pagkatapos nito humingi ng saklolo sa pulisya.