December 27, 2024

CHINESE NATIONAL ARESTADO SA PAMEMEKE NG DOKUMENTO SA NAIA

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na Chinese national dahil sa paggamit ng pekeng immigration document para makalabas ng Pilipinas.

Sa report na ipinadala kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasabing pasahero na si Ning Haochao, 24.

Naharang si Ning sa  NAIA 3 terminal noong Marso 24 bago siya sumakay sa Cebu Pacific flight papuntang Xiamen, China.

Base sa ulat, nang dumaan sa immigration counter si Ning ay napansin na peke ang isinumite nitong emigration clearance certificate (ECC).

Natuklasan din na ang nasabing dayuhan ay nakatala sa blacklist ng BI dahil sa pagiging overstaying.

“Let this serve as a warning to overstaying aliens. Do not use spurious immigration documents because such trick will not go undetected by our officers at the airport,” sa kalatas na inilabas ni Tansingco.

Kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Ning habang inihahandan ang pagpapa-deport pabalik ng bansa nito.

Awtomatiko ring hindi na makakabalik ng Pilipinas si Ning dahil sa ilalagay ito sa blacklist order ng BI. ARSENIO TAN