May 19, 2025

CHINESE NAGPANGGAP NA PINOY, NAHULI SA CEBU

CEBU CITY — Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) Region 7 operatives ang isang Chinese national na nagpapanggap umano na Pilipino para patakbuhin ang isang trading company dito sa Cebu!

Nabatid na si Wang Chaoxin, 32 anyos, ay nahuli noong Mayo 14 matapos ireklamo ang kanyang pekeng pagkakakilanlan. Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, kasama ni Wang ang apat pang mga dayuhang lumabag sa kanilang mga visa conditions.

Tatlo sa mga kasama niya ay may working visa pero nagtatrabaho sa ibang kumpanya, hindi sa mga deklaradong employer, habang isa naman ay walang permit sa trabaho.

Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation (NBI) mula Cebu at Manila.

Lumalabas sa imbestigasyon na ginamit ni Wang ang pekeng Filipino identity: nakakuha siya ng pekeng driver’s license, birth certificate, at narehistro ang kanyang kumpanya gamit ang pekeng Pilipinong pangalan!

Patuloy ang imbestigasyon laban sa mga suspek habang nananawagan ang BI sa publiko na maging mapanuri sa mga ganitong modus operandi. (Ulat ni ARSENIO TAN)