November 17, 2024

Chinese Government nabigay ng 20k tonelada ng fertilizer sa Pilipinas

SA patuloy na pagsisikap sa pagsugpo sa problema sa suplay ng pagkain at pagpapaigting ng mga programa para sa food security sa bansa, personal na tinanggap nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Valenzuela City Mayor WES Gatchalian, ang 20,000 metrikong tonelada ng urea fertilizer na donasyon ng People’s Republic of China sa Republika ng Pilipinas sa NFA Warehouse 5 sa Barangay Malanday, Valenzuela City.

Ang donasyon ay itinulak sa pamamagitan ng Embassy Note No. PG-274 na may petsang Setyembre 13, 2022, alinsunod sa Embassy Note No. 22-4617 na nilagdaan noong Disyembre 6, 2022, na nag-uutos sa Department of Agriculture (DA) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) na makipag-ugnayan sa Chinese Embassy, sa pamamagitan ni China Embassy Ambassador Huang Xilian, upang mapadali ang donasyon sa sandaling tumuntong ang mga pataba.

Sa kabilang banda, para pagtuunan ng pansin ang pag-iimbak at pagsubaybay ng mga fertilizer grant, nilagdaan ng DA ang isang memorandum of agreement sa FPA na may mandato na tiyakin sa sektor ng agrikultura ang sapat na suplay ng mga pataba.

Bilang kalihim ng DA, pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang seremonya ng pagbibigay ng mga donasyong pataba mula sa Chinese Government sa pamamagitan ni China Ambassador Huang Xilian. Ang mga ipinagkaloob na materyales sa agrikultura ay pansamantalang itatago at itatabi sa NFA Warehouse 5 sa Malanday, bago ang opisyal na pamamahagi nito sa mga tatanggap na magsasaka mula sa DA – Regional Field Office (DA-RFOs) I, II, III, CALABARZON at V. Layunin ng programang ito na tulungan ang mga lokal na magsasaka na makabangon at mapalakas ang produktibidad ng palay para sa taong 2023.

Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Pangulong Marcos Jr. ang kanyang lubos na pasasalamat sa Chinese Government sa tulong na ibinibigay nila para sa paglago ng ating agrikultura.

“China immediately understood the predicament that we were in, thus we have today the turnover of these 20,000 metric tons of urea fertilizer from China to the Philippines. It will tremendously aid our efforts to boost agricultural production, our nation’s pursuit of food security. Indeed, it is through these kind deeds, especially those that can be felt by our own people, that we reinforce the foundation of our bilateral ties, that of trust and that of neutral benefit,” pahayag ng pangulo. Dumalo rin sa handover ceremony sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary REX Gatchalian, Senator WIN Gatchalian, Valenzuela City Vice Mayor Lorie Natividad-Borja at mga konsehal ng lungsod.