November 17, 2024

“Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Polio, Rubella, at Tigdas!” Inilunsad sa Valenzuela

BILANG bahagi ng misyon ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na magbigay ng malusog na pangangatawan at pamumuhay ang mga Pamilyang Valenzuelano, inilunsad nito sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, ng City Health Office, at ng Barangay Canumay West ang kampanyang “Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Polio, Rubella, at Tigdas”.

Noong nakaraang Abril 27, bilang bahagi ng World Immunization Week ay inilunsad ng Department of Health (DOH), United Nations Children’s Fund (UNICEF), at ng World Health Organization (WHO) ang “Chikiting Ligtas 2023: Join the Big Catch Up, Magpabakuna para sa Healthy Pilipinas!”, isang kampanya para sa libreng supplemental immunization na naglalayong bakunahan ang mga batang hindi hihigit sa limang taong gulang kontra Measles o Tigdas, Rubella, at Polio. Ito ay magsisilbi ring dagdag na proteksyon para sa mga bata kahit na sila ay nabakunahan na.

Ayon sa DOH, higit siyam na milyong bata na nasa edad siyam na buwan hanggang limampu’t-siyam na buwan (mas bata sa limang taong gulang) ay kwalipikado nang makatanggap ng bakuna kontra Tigdas at Rubella, samantalang higit labing-isang milyong batang nasa edad zero hanggang limampu’t-siyam na buwan (mas bata sa limang taong gulang) ay kwalipikado nang makatanggap ng oral na bakuna kontra Polio. 

Dahil sa mataas na alinlangan at pangamba sa kaligtasan at epekto ng bakuna, bumaba ang vaccination rate ng mga bata sa bansa mula 87% noong 2014 sa 68% noong 2019 na siyang naging dahilan upang ang Pilipinas ang isa sa may mga pinakamataas na bilang ng mga batang hindi bakunado sa buong mundo noong 2021.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni City Health Officer Dr. Marthony Basco ang kahalagahan ng bakuna, “Ang mga babae po, kapag nagkaroon ng Rubella o German Measles, hindi po kayo magkakasakit pero ang inyong ipinagbubuntis, bulag, maliit ang ulo, o kaya naman ay butas ang puso. Ang gusto po natin ang mga anak natin ay matalino, nakakakita at aktibo, makukuha po natin ang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna. Ang mga babaeng mas bata sa limang taon na ating babakunahan ngayon ay habambuhay na protektado sa Rubella at ang kanyang ipagbubuntis sa hinaharap ay hindi magkakaroon ng komplikasyon ng Rubella. Ang ginagawa po natin ngayon ay para sa kinabukasan ng buong Valenzuela, kaya naman pinasasalamatan natin si Mayor WES Gatchalian at ang DOH para sa mga dala nilang bakuna. Dahil dito sa Valenzuela, hindi lang Tuloy ang Progreso, Pamilyang Valenzuelano ang ating inaalagaan.”

Ang kampanyang ito ay tatakbo mula Mayo 2 hanggang Mayo 31, at bukas ang mga Barangay Health Station para sa mga walk-in na pasyente habang magsasagawa din ng house-to-house vaccination drive para mas maraming bata ang mabakunahan. Pinapayuhan ang mga magulang na dalhin ang mga vaccination cards ng kanilang mga anak kapag pupunta sa mga health station, pero sila ay bibigyan din nito kung kinakailangan.