December 25, 2024

CHED inalis moratorium sa nursing course

Pinayagan na muli ng Commission on Higher Education (CHED) ang lahat ng mga public and private institutions na magbukas na ng mga nursing course.

Sa media conference ng CHED, sinabi ni Chairman Prospero de Vera, ang desisyon nila ay dahil na rin sa ginawang en banc session ng Komisyon.

2011 nang ipagbawal ng CHED sa State Universities and Colleges (SUCs) at private schools ang pag-offer ng nursing course dahil sa dami ng graduate na walang trabaho.

Maging ang Philippine Nursing Association (PNA) ay nagsabi noon na pansamantalang magpatupad ng nursing course sa mga kolehiyo dahil tambak ang mga nagtapos subalit walang mapasukan na ospital.

Pero dahil sa pandemic, kinapos ng nurse ang Pilipinas bukod pa sa dami ng mga bansa sa mundo na kumuha ng Filipino nurses.

Katunayan, nagpatupad pa ng ban ang Department of Labor and Employment (DOLE) noong nakaraang taon kung saan walang pinayagan na Pinoy nurse ang magtatrabaho sa ibang bansa ngunit nakalipas ang ilang buwan ay pinayagan na rin.

Sa kasalukuyan, anim na rehiyon sa bansa ang may urgent na pangangailangan ng nursing course tulad ng MIMAROPA, Eastern Visayas, CARAGA, BARMM, CAR at SOCSARGEN.

Malaki rin ang pangangailangan ng mga nurse sa CALABARZON, Western Visayas, Bicol Region, Davao Region, Cagayan Valley at Central Luzon.

Dahil inalis na ang moratorium sa nursing course, maaari nang tumanggap simula bukas ng enrollees ang mga pribadong at publikong paaralan.