December 28, 2024

Cellphone tinangay ng kainuman, bebot kulong

SHOOT sa kulungan ang 41-anyos na dalaga nang palihim na ibulsa ang cellular phone ng isa sa kanilang kainuman bago mabilis na tumalilis palayo sa lugar sa Malabon City, kahapon ng medaling araw.

Inakala ng babaing kawatan na itinago sa alyas “Maricel” na senglot na ang kainumang si Ryan Siatrez, 25, binata at residente ng 62 Baytown St. Brgy. Hulong Duhat nang nenokin ang bago nitong mobile phone na kabibili lamang sa halagang P7,500 pero kaagad itong napuna ng biktima kaya’t mabilis na hinabol ang dalaga.

Sa report ni P/SSg. Honorio Aguas, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang kaibigang si Edlyn Ramos sa Gervacio St, Hulong Duhat Huwebes ng gabi upang makipag-inuman at isa sa kanyang dinatnan ay si Siatrez na kabilang sa grupo ng mga nag-iinuman.

Bandang alas-12 na ng hatinggabi nang pasimpleng umalis ng walang paalam si Maricel at dito na napuna ng binata na naglaho ng parang bula ang bagong mobile phone na nasa kanyang tabi kaya’t hinabol ang suspek hanggang makahingi ng tulong kina P/SSg. Karen Borromeo at P/Cpl. Joe Christian Fiel ng Police Sub-Station-7 na nagpapatrulya sa lugar.

Dakong alas-12:30 ng madaling araw nang masakote ng mga pulis si Maricel malapit na sa kanyang tirahan sa Gervacio St. at nabawi ang bitbit na pang cellular phone na ninenok sa kainuman.

Nakatakdang iprisinta ng mga pulis sa Malabon City Prosecutor’s Office si Maricel para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin niyang kasong pagnanakaw na isinampa laban sa kanya ng biktima.