Mga Cabalen, nakababahala na sa kabila na medyo nararamdaman nating unti-unti nang lumuluwag ang sitwasyon, mas lalong tumaas ang bilang ng kaso ng may Covid-19. Habang sinusulat natin ang suplemento para sa pitak na ito, humigit-kumulang na sa 33,000 ang tinamaan.
Pinakamalaki sa porsiyento ng nadagdag sa kaso ay mula sa Cebu City na siyang primerong tinututukan ngayon ng ating pamahalaan. Katunayan,itinalaga ni Pangulong Duterte si DENR Secretary Roy Cimatu upang tumulong sa pagsugpo ng coronavirus cases sa ‘Queen of the South’. Ika nga, ‘Cebuanos, we have a problem’.
Sa ganang akin mga Cabalen, ang ipinagtataka ko, bakit sa halip na mabawasan ang bilang ng kaso ‘e nadagdagan pa. Ibinabawas ba sa bilang ang naka-recover (nakalulungkot naman sabihin) at ‘yung mga pumanaw na? Simpleng arithmetic lang po, di ba?
Ang paglobo ng Covid-19 case sa Cebu (na habang tinitipa natin ang suplemento para sa pitak na ito ay umabot sa kulang-kulang sa 5,000) ay bunsod ng pagluwag ng mga patakaran at regulasyon, sa kagustuhan ng kinauukulan doon na buksan na ang ilang negosyo at makabalik trabaho ang mga obrero.
Ika nga, naghayahay ang ‘Reyna ng Timog’— ika nga ng mga Visaya ‘e ‘pakuya-kuyakoy ang mga miron doon na lumalabas ng kanilang kabahayan na walang suot na face mask, walang social distancing, may mga nagsasagawa rin ng pagtitipon o tipar at may mga nagmomotor na may kasamang angkas.
Kapansin-pansin din ang umpukan ng mga tao sa eskinita, na ang iba ay sabik na sabik sa ‘paghahatid-dumapit’ o tsismis.
Bukod pa rito, may naitala rin na may nagsasagawa ng kasiyahan ng lihim at may mga nag-iinuman. Kaya pala, may mga nag-iinuman at may nagvi-videoke pa kahit may ipinatutupad na curfew doon.
Kaya muling ibinalik sa ECQ ang sitwasyon doon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Sana naman, maagapan at maampat ang tumataas na kaso ng may coronavirus sa Cebu. Hiling natin sa mga mamamayan, hindi lamang doon, kundi pati rito sa Kalakhang Maynila na huwag maging kampanteng masyado. Sumunod sa mga health protocols at huwag itong ipagwalang-bahala.
Kumpiyansa naman tayo na magiging epektibo si DENR Sec. Cimatu na mapigilan ang lumalalang sitwasyon sa Cebu; at magamit ng husto ang CoVid Task Force— kung hindi man masolusyunan agad ‘e mapababa man lang ang bilang ng nagkakaroon ng kaso.
Kaugnay dito, sa pagpunta ni Sec. Cimatu sa Cebu upang tuparin ang inatang na tungkulin sa kanya, pinasinungalingan ng hawak niyang kagawaran na hindi naging maluho ang hotel accommodation nito.
May nagpost kasi sa katauhan ni Imelda Nicolas, (former Commission on Filipinos Overseas chairperson), mula naman sa post ni Ivy Cordero na 70 silid sa Seda hotel ang naka-reserved sa delegasyon ng Kalihim; na ang pinakamurang silid ay nagkakahalaga ng P5,000. Kapag kinuwenta, aabot sa P350,000 kada araw ang gastos sa loob ng isang lingo— na aabot naman sa P2.24 milyon. Bukod pa ang gastos sa pagkain at transportasyon.
Giit pa ng nagpost? Ilang PPE at test kits ang maaring bilhin ng gayung kalaking halaga? Ilang sakong bigas ang maaaring bilhin nun?
Naku, pwede po ba, tama na ang pamumulitika! Nagtungo run ang teasm ni Sec. Cimatu, hindi upang maghayahay; kundi apulain ang pamemerwisyo ng coronavirus.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE