January 23, 2025

Cebu nangunguna na sa may pinakamaraming COVID-19

Ang Cebu na ang may pinakamataas na bilang na positibo sa coronavirus infections sa Pilipinas, ito ang kinumpirma ng Department of Health o DOH sa isang press briefing.

Ayon kay Dr. Beverly Ho, DOH Director ng Health Promotion and Communication Service, dalawang dahilan ang nasisilip nila kaya patuloy ang pagtaas ng bilang nahahawa sa virus: una ay dahil sa nadagdagan ang tesing capacity; at ang pangalawa ay ang mabilis na hawaan sa komunidad.

Sa pagitan ng Hunyo 16 at 24 ang positivity rate sa Cebu ay 32.8% – nangangahulugan na 33 sa bawat 100 katao, o one third na na-test, ay nagpositibo sa virus. Ito ay average ng 644 tests na isinasagawa sa isang araw.

Ito ay kung ikukumpara sa Metro Manila na pito lamang mula sa 100 kataong sinusuri sa COVID ang nagpopositibo.

Kinumpirma rin ng DOH na tumataas na rin ang kaso ng COVID-19 sa Region 8 at iba pang mga lugar.

Bunga nito, sinabi ng DOH na mahalaga pa rin ang pagsusuot ng face mask dahil 85% na hindi magkakaroon ng COVID ang nagsusuout ng face mask habang 80% naman na hindi mahahawaan ang tao kapag pinapairal ang social distancing.

Sa kabila nito, nanindigan ang DOH na sapat ang medical supplies at equipments nila para tugunan ang mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar.

Idinagdag ng DOH na sa ngayon ay nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa may pinakamalaking kaso ng COVID, sumunod ang Region 7, Region 4-A, Region 3 at Region 8.