December 23, 2024

CDC tinanghal bilang PAF Affiliated Reserve Unit of the Year


CDC IS PAF AFFILIATED RESERVE UNIT OF THE YEAR.  Tinanggap ni Clark Development Corporation (CDC) Assistant Vice President for Business Enhancement Atty. Noelle Mina Meneses (ikalawa mula sa kanan), na siya ring group commander ng CDC reservist group, ang plaque of merit mula kay Philippine Air Force (PAF) Major General Arthur M. Cordura (ikalawa mula sa kaliwa). Kinilala ang CDC bilang PAF Affiliated Reserve Unit of the Year. (Contributed Photo)

CLARK FREEPORT – Pinangalanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Clark Development Corporation (CDC) bilang Philippine Air Force (PAF) Affiliated Reserve Unit of the Year.

Iginiwad ni PAF Major General Arthur M. Cordura, na siya ring Commander ng Air Force Reserve Command, ang naturang award sa state-owned firm na tinanggap ni CDC Assistant Vice President for Business Enhancement Atty. Noelle Mina Meneses kasabay ng selebrasyon ng 41st National Reservist Week (NRW) na ginanap sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City.

Si Meneses ay nagsisilbi ring group commander ng CDC reservist group, na mas kilala bilang 2320th PAF Affiliated Group Reserve.

Kinilala ng AFP ang CDC bilang isa sa awardees dahil sa kanilang pagsisikap at pagsuporta sa iba’t ibang aktibidad at inisyatibo na malaki ang naiambag sa pagtaguyod ng bansa.


Kabilang na rito ang pagsasagawa ng medical missions at outreach program, relief operations lalo na noong kasagsagan ng pagputok ng Taal Volcano na bumungad nitong taong 2020, at sa mga komunidad na apektado ng COVID-19 pandemic.

Isa rin ang CDC reservist na tumulong sa pamamahagi ng mga donasyong personal protective equipment (PPE) para sa ating mga frontliner, at pagkakaloob ng education at training programs sa mga IP communities, at iba pa.

Kabilang din sa nakatanggap ng award sa naturang selebrasyon ay ang 1901st Reardy Reserve Unit Infantry Brigade bilang Philippine Army Ready Reserve Unit of the Year, Linaheim Properties Inc. bilang Philippine Army Affiliated Reserve Unit of the Year, at 6th Air Force Wing Reserve (Zamboanga City) bilang PAF Ready Reserve Unit of the Year (Wing Level).

Sa kasalukuyan, halos nasa 200 na empleyado ng CDC ang sumailalim at natapos ang Military Orientation Training (MOT) na sinimulan ng PAF. Kabilang sa pagsasanay ay ang reception activity, lectures, Immediate Action Drills (IAD), Firing o Marksmanship activity at Field Training Exercises.

Noong Nobyembre 2019, nilagdaan ni CDC President at CEO Noel F. Manankil ang isang memorandum of agreement kasama ang PAF para probisyon at pasilitasyon ng nasabing programa.