January 26, 2025

CDC nilimitahan ang pagtitipon, aktibidades sa Clark

CLARK FREEPORT – Ipinagbawal ng Clark Development Corporation (CDC) ang mga malalaking pagtitipon at aktibidad sa Freeport na ito simula Enero 7 hanggang Enero 31, 2022, bilang pagtugon sa pagdagsa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang advisory na inilabas ng state-owned firm, nabanggit na bawal ang lahat ng social gathering ng tatlo o mas marami pang katao sa Clark Parade Grounds, open areas at iba pang parke sa Freeport.

Samantala, tanging fully vaccinated lamang ang pinapayagan na magsagawa ng physical activities tulad ng paglalakad, jogging, biking at iba pa. Ina-apply din ang iba pang standard health protocols na inilabas ng Inter Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Freeport.

Inatasan din ang mga tourism-related establishment sa Clark na tangging fully-vaccinated ang papasukin sa 50% kapasidad para sa indoors habang 70% capacity sa outdoors. Bawal din ang mga menor de edad na hindi qualified para sa vaccination sa loob ng zone.

Sinabi ni CDC President and CEO Manuel R. Gaerlan na ginagawa nila ang mga karagdagang hakbang na ito upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng stakeholder sa Freeport sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. “The public is enjoined to cooperate and exercise self-restraint as Clark Development Corporation endeavors to keep Clark COVID-free and the business in the Zone vibrant. Mag-ingat po tayong lahat,” dagdag ni Gaerlan.

Hinimok din ng CDC ang lahat ng workers, locators at visitors nito na manatiling mapagbantay at panatilihing sumunod sa minimum heath standards matapos ang pagkalat ng Omircon variant sa Pilipinas. Muling ipinaalala ng state-owned firm ang kahalagahan ng pagsusuot ng face masks, pahuhugas ng kamay at physical distancing upang maiwasan ang pagkalat ng virus.