November 3, 2024

CDC MANAGEMENT AT MGA EMPLEYADO UMALMA SA BAGONG PAY SCHEME NG GCG

Dumadaing ang pamumuan, Board of Directors at lahat ng empleyado ng Clark Development Corporation sa kawalang-hustisya sa implementasyon ng Compensation and Position Classification System (CPCS), na sersyosong makaaapekto sa financial status ng rank-and-file employees at ng kanilang pamilya.

“Me and the Board will request for the suspension of the CPCS implementation, and appeal to the Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporation (GCG) to give the CDC rank-and-file higher Job Grade equivalents,” ayon kay CDC President Manuel R. Gaerlan sa isang press conference.

Pinag-iisipan na rin nila na mag-file ng motion for reconsideration para sa job position classification, dahil sa pagkawala ng allowance at incentives ng kanilang mga manggagawa dahil sa implementasyon na CPCS.

 “I enjoin the members of ACCES na pagtulung-tulungan natin ito. We fully support you, we are one with you in convincing, hopefully, the Commission on Good Governance, so that they will reconsider,” saad ni Gaerlan.

Ayon pa kay Gaerlan na aware sila sa mga concern ng kanilang mga empleyado at lubos nilang sinusuportahan ang mga ito sa pagpapalabas ng kanilang mga hinaing at umaasang makukumbinsi ang mga awtoridad, partikular ang GCG, na muling isaalang-alang ang kanilang desisyon sa CPCS.

“Sana naman ay mas maging paborable sa ating mga manggagawa,” wika ni Gaerlan.

Tiniyak din ni Gaerlan sa mga empleyado ng CDC na gagawin lahat ng pamunuan para suportahan sila sa labang ito. “We will fight for your welfare, we will appeal sa GCG at sa Office of the President dahil ‘yung naging basehan ay isang Executive Order,” saad niya.

Una rito, nagsuot ng kulay itim na damit at nagmartsa sa CDC corporate offices ang mga miyembro ng Association of Concerned CDC Employees (ACCES) para ipakita ang kanilang pagtutol sa pagpataw sa bagong pay-scale system.

Sa ilalim ng talahanayan ng CPCS na ibinigay sa CDC, 35 na miyembro lamang ng top management — mula sa mga managers hanggang sa presidente — ang tumaas ang sahod, habang higit sa 635 na mga rank-and-file na manggagawa ang nabawasan ng kita.

Kabilang sa mga allowance, benepisyo, at insentibo na ihihinto ay ang health coverage, retirement plan, cost-of-living allowance (COLA), housing, utilities at transportation allowance, ang Meritorious Service Pay (MSP) batay sa haba ng serbisyo, at ang retirement package o separation pay na nakabatay din sa haba ng serbisyo.

Ang mga benepisyong ito ay ipinagkaloob batay sa Collective Bargaining Agreements (CBAs) mula nang mabuo ang unyon noong 1997. Sinabi ng mga miyembro ng labor union ng CDC na ang pagsususpinde sa kanilang mga benepisyo ay magkakaroon ng matinding dagok sa kanilang mga pamilya, dahil sa inflation sa mga pangunahing bilihin at langis pagtaas ng presyo sa bansa.

Ang suliranin ng mga manggagawa ay lalo pang pinalala ng napipintong pagbabago ng CDC sa insurance coverage mula sa Social Security System (SSS) na ililipat sa Government Service Insurance System (GSIS). Magkakabisa ang prospective membership sa Hulyo 1, 2022, gaya ng ipinataw sa ginanap na “dialogue” na pinangunahan ng management. Sa kabilang banda, ang mga empleyado na pipiliing i-activate ang kanilang membership sa retroactive na paraan ay kailangang magbayad ng atraso sa mga kontribusyon sa GSIS na sumasaklaw sa mga taon ng kanilang serbisyo sa CDC.

Sa liham na may petsang Hunyo 20, 2022 na naka-address kay CDC President and CEO PBGen. Manuel R. Gaerlan ng mga opisyales ng ACCESS, mababasa na: “that the migration to GSIS is “a direct violation of their existing Collective Bargaining Agreement” making this “tantamount to unfair labor practice. Our CBA partakes the nature not simply of a contract between us, but the very law that binds us. Any contrary opinion will not matter. More importantly, our right to CBA is protected by the Labor Code and guaranteed by our Constitution. This is what binds us and NOT any one’s opinion.”

Umapela rin ang union members kay Gaerlan at sa CDC Board of Directors na gawin ang lahat ng pagsisikap para iapela, ipagpaliban at ipatigil  ang CPCS implementation na lubos na makaapekto sa financial status ng CDC labor force lalo na ang rand-and-file employees. Iginiit din ng mga miyembro sa CDC president na magpataw ng status quo sa kasalukuyang compensation system at benefits, kabilang ang pag-shift sa GSIS na kinakailangan ng mas malaking premiums at dahilan para mabawasan ang mauuwing kita ng mga empleyado.

Umaasa naman si ACCES president Edsel Manalili para sa payapa at patas na paglutas sa mga isyung kinakaharap.

“ACCES is the bridge between employees and management. Let us cross that bridge together for the sake of CDC employees who are on their way to serving 30 years in the corporation. But if you build a wall, we will tear it down,” aniya.