December 27, 2024

CDC HINIMOK ANG BIKERS, VISITORS NA PANATILIHING MALINIS ANG CLARK

CLARK FREEPORT— Muling iginiit ng Clark Development Corporation (CDC) sa mga iresponsableng bikers at visitors na ugaliin ang disiplina at iwasang magtapon kung saan-saan kapag bibisita sila sa naturang Freeport.

Sa kabila ng panawagan at pagsisikap ng state-owned firm para sa responsableng pagtatapon ng basura rito, ilan sa mga pasaway na bikers at visitors ang patuloy na nagtatapon ng kanilang basura sa iba’t ibang lugar sa Freeport.


Kahit na mayroon ng mga basurahan, nagkalat pa rin ang mga basura sa lugar na madalas puntahan ng publiko.

Hiniling ni CDC President and CEO Manuel R. Gaerlan ang buong pakikipagtulungan ng lahat ng residente, locators, kabilang na ang visitors, na gawin ang kanilang papel upang mapanatili na malinis at matiwasay ang Clark.

 “We trust that all our stakeholders will join us in making Clark a conducive place to live, work, and play,” saad ni Gaerlan.

Una rito, nalabas na ang CDC ng memorandum circular na may petsang Hulyo 20, 2021 kung saan pagmumultahin ang mga magtatapon ng basura at mga lalabag.

Naglalaro sa P1,000 hanggang P200,000 ang multa sa sinumang mahuhuling magtatapon ng basura, depende sa bigat ng paglabag.