November 23, 2024

CDC handa na sa COVID-19 vaccine rollout kasama ang MCAC LGUs


MCAC MEMBERS CONVENE. Nagpakuha ng larawan si CDC President-CEO at Metro Clark Advisory Council (MCAC) Chair Manuel R. Gaerlan (ibabang hilera, kaliwa), kasama si Pampanga Governor Dennis “Delta” Pindera (itaas na hilera, una sa kanan) matapos ang kauna-unahang advisory council meeting sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kasama rin nila ang mga miyembro ng MCAC na pinamumunuan ni Co-chairman Mabalacat City Mayor Crisostomo “Cris” Garbo (ibabang hilera, kanan). Porac Town Mayor Jaime “Jing” Capil (itaas na hilera, una sa kaliwa), Capas, Tarlac Mayor Reynaldo L. Catacutan (gitnang hilera, kaliwa) at Bamban, Tarlac Mayor Jose Antonio Feliciano (gitang hilera, kanan). Makikita rin sa larawan sina MCAC Angeles City Coordinator Maximo Sangil (itaas na hilera, ikalawa sa kaliwa) at Tarlac Provincial Administrator Engr. Butch Ventura (itaas na hilera, ikalawa sa kanan) na kumakatawan kina Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., at Tarlac Governor Susan Yap.

CLARK FREEPORT – Nakahanda na ang Clark Development Corporation (CDC) sa pakikipagtulungan ng Metro Clark Advisory Council (MCAC) para sa COVID-19 vacination roll-out sa naturang Freeport.

Sa unang pormal na pagpupulong sa MCAC sa ilalim ng kanyang pamumuno, ibinahagi ni CDC President at CEO Manuel R. Gaerlan ang plano sa pagbabakuna ng state-owned firm. Tinalakay nito ang istratehikong proseso na susundan ng CDC sakaling magkaroon na ng bakuna.

“On the vaccination, according to the IATF, and the National Government, hopefully, the rollout would take place by March this year,” saad ni Gaerlan, na siya ring chairman ng MCAC.

Ang MCAC ay binubuo ng mga siyudad ng Angeles, Mabalacat, at bayan ng Porac sa Pampanga; at bayan ng Bamban at Capas sa Tarlac.

Tinalakay din ni Gaerlan ang makabuluhang tampok ng nasabing plano gaya ng eligible population, vaccination team training, vaccination post o venue, ancillary supplies at handling, at koordinasyon ng CDC sa iba pang mga departamento at ahensiya.

Sa ilalim ng eligible population, isang paunang 190 katao kabilang ang mga frontline at medical workers ang ipaprayoridad na mabigyan ng bakuna. Maging ang mga senior citizen sa Freeport na ito gayundin ang CDC’s security group ay bibigyang importansiya.

Samantala, ang pangalawang priority cluster o Group B ay binubuo ng mga guro, social workers, empleyado ng gobyerno, manggagawa, at iba pang natitirang trabahador.

Para sa bahagi nito, ang MCAC, na suportado ni Pampanga Gobernador Dennis “Delta” Pineda, ay hinimok din ang mga locator sa Freeport na ito na maghanda at maglaan ng pondo para sa pagbabakuna ng kanilang mga empleyado.

Gayunpaman, binigyang diin din nito na ang pagbibigay ng mga bakuna ay hindi magiging sapilitan at ito ay magiging isang personal na desisyon ng mga manggagawa kung nais nilang mabakunahan o hindi.

“It’s up to them on how to go about it, but imagine if all employees received vaccination then the economy here will get even better,” ayon kay Pineda.

Sang-ayon naman si Mabalacat Mayor Crisostomo Garbo, na siya ring co-chairman ng MCAC, sa panukala ni Gov. Pineda na mabakunahan ang lahat ng mga manggagawa sa Clark at tanungin ang mga locator kung nais nilang bumuli ng sarili nilang bakuna sa pamamagitan ng tripartite agreement sa CDC at national government.

Present din sa advisory council meeting ang mga alkalde na sina Jaime Capil ng Porac, Jose Antonio Feliciano ng Bamban, Reynaldo Catacutan ng Capas, Max Sangil (kumatawan kay Mayor Carmelo Lazatin, Jr ng Angeles) at provincial administration Roberto Ventura (representante ni Gov. Susan Yap ng Tarlac).