January 23, 2025

CDC, CLARK LOCATORS PINALAWIG TULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE

PAGKAKAISA SA GITNA NG KALAMIDAD. Itinurnover kamakailan lang ng Clark Development Corporation (CDC) sa pamamagitan ng Corporate Social Responsibility Division (CSRPD) ang mga relief goods at rehabilitation materials sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga biktima ng Bagyong Odette. Iniharap nina CDC – External Affairs Department (EAD) Assistant Manager Ronald Antonio (ikalawa sa kanan) at CRSS Assistant Rosesalem Yamson (kanan) ang mga donasyon kina DSWD- Officer-In-Charge and Division Chief Priscilla Tiopengco (ikalawa sa kaliwa) at Project Development Officer II Josephine Canlas (kaliwa). (CDC-CD Photo)

CLARK FREEPORT – Nag-donate ang iba’t ibang locators sa Freeport na ito ng relief goods at rehabilitation materials para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.


Sa pamamagitan ng Corporate Social Responsibility (CSR) initiative ng Clark Development Corporation (CDC), maraming donasyon ang bumuhos para sa mga indibidwal na naapektuhan ng bagyong Odette. Nagbigay ang Clark locators ng mga supply ng pagkain tulad ng noodles, inumin, bigas, canned goods, at iba pang sari-saring groceries. Bukod sa mga ito, namahagi din ng mga mahahalagang gamit tulad ng bedsheets, tuwalya, pantulog, at diaper para tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.

Samantala, nagbigay din ang CDC ng construction materials at tools na nagkakahalaga ng P350,000 para matulungan ang mga apektadong pamilya sa rehabilitasyon ng kanilang mga tahanan. Ang mga materyales na ito ay dinagdagan din ng 430 piraso ng GI sheet na nagkakahalaga ng P150,000 na donasyon ng Nanox Philippines, Inc.

Nagpahayag ng pasasalamat ang CDC sa pamununo ni President and CEO Manuel R Gaerlan sa lahat ng investors na nagpaabot ng tulong sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo.

Ilan sa mga locator na sumuporta sa donation drive ay kinabibilangan ng Yokohama Tire Philippines, Inc., Nanox Philippines, Inc., Shore 360 Inc., Demagus Trading Corporation, Aderans Philippines Inc., Pishon Clark Philippines, Luzon International Premiere Airport Development Corporation (LIPAD) , Somang Global Clark Corporation, at Wontechphil International Corporation.