November 3, 2024

CBCP NAGPALIWANAG SA ISYU NG MATAAS NA MATRIKULA SA CATHOLIC SCHOOLS

PHOTO: CBCPNEWS

NAGPALIWANAG si CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa madalas na batikos sa simbahan na ‘mahal ang matrikula sa mga katolikong eskuwelahan ngunit mababa ang suweldo ng mga guro.

Ayon kay Bishop David,   kung tutuusin ay mas mahal ang gastos ng bawat estudyante sa pampublikong paaralan na ang pondo ay mula sa buwis ng mamamayan.

Aniya pa, mas malaki ang budget ng public schools dahil mas mahal ang pasuweldo sa kanilang mga teachers. 

Upang  maipantay ng Catholic schools ang suweldo ng kanilang mga teachers sa suweldo sa public, kailangan nilang magtaas ng tuition fees. 

Hindi naman aniya aaprubahan ng DepEd ang biglaang pagtaas ng tuition fees ng mga private school habang ang mga pribadong paaralan kabilang na ang Catholic institutions ay mula naman ang pondo sa matrikulang ibinabayad ng mga mag-aaral na inilalaan sa suweldo ng mga teaching and non-teaching personnel, pagpapagawa ng mga silid aralan at iba pang pangangailangan ng paaralan.

Iginiit ng obispo na ang pagkakaroon ng dagdag suweldo sa mga guro ay nangangahulugan din ng umento sa matrikula na kailangan din munang isangguni sa pamahalaan.

Nabatid sa obispo na sa nakalipas na pandemya, ilang pribado at katolikong paaralan ang nagsara dulot ng pagkalugi dahil sa kakulangan ng mga estudyante kabilang na dito ang 76 na pribadong paaralan na nagsara sa Western Visayas.

Itinanggi din ni Bishop David na ang mga pribadong paaralan ay para lamang sa maykaya dahil sa katunayan ay naglaan ng pondo ang simbahan para sa mga mag-aaral na mahihirap.

Marami ring mga mahihirap ang nag-aaral sa mga Catholic schools dahil sa pagsusumikap ng mga Catholic schools na maglaan ng pondo o magkaroon ng mga foundations na maaaring magbigay ng scholarship grant o financial assistance sa kanilang mga poor but deserving students.