November 19, 2024

Cayetano, umaasa ng maraming tagumpay para sa Volleyball PH

Nagpasalamat si Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kanya ng executive board ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pagpapatuloy niya sa tungkulin bilang Chairman Emeritus sa susunod na dalawang taon.

“Thank you so much for the trust and confidence of the board, and for the small part you have given me in the PNVF. Let’s look forward again to 2023 and further,” sabi ni Cayetano sa PNVF, na kilala rin bilang Volleyball Philippines, pagkatapos ng kanilang eleksyon nitong January 18, 2023 sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig.

“Through the leadership of PNVF President Ramon ‘Tats’ Suzara, our newly-elected PNVF officers, and through God’s guidance, we are claiming more years of victories for the Philippine Volleyball Federation,” dagdag niya.

Inatasan din si Cayetano na pamunuan ang opisyal na delegasyon ng bansa para sa 32nd Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Cambodia ngayong Mayo.

Unang nahalal bilang chairman emeritus si Cayetano noong 2021 nang itinatag ang Volleyball Philippines.

Mahaba na ang track record ni Cayetano sa pagsuporta sa Philippine sports at sa mga atleta. Isa din siya sa mga nagtutulak na magkaroon ng isang grassroots national sports program ang bansa.

Noong 2019, pinamunuan niya ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa matagumpay nitong hosting ng SEA Games sa bansa. Dati nang binansagan ang senador na “godfather of women’s volleyball team” dahil sa suportang ibinigay niya para sa national team noong 2016 International Volleyball Federation Women’s Club World Championship na ginanap sa Metro Manila.

Sa pagsisikap niya, naglabas ang Malacañang noong panahong iyon ng isang memorandum circular na nag-utos sa mga ahensya ng gobyerno na suportahan ang national volleyball team.

Sa pamumuno niya bilang Speaker ng House of Representatives, itinulak din ni Cayetano ang pagtatag ng world-class National Sports Academy na ngayon ay matatagpuan sa New Clark City, Tarlac, at kasalukuyang ginagamit ng mga scholar-athletes

Bilang Vice-Chairman ng Senate Committee on Sports, nagpahayag si Cayetano ng all-out support para sa Volleyball Philippines.

“It will be a very busy year for our athletes, and their success will require the support of our government and our kababayans,” aniya.

“To Chairman Ariel Paredes and to our volleyball athletes, please know that in the Senate, you can count on me and Ate Pia to help our volleyball athletes soar higher and make the sport greater,” dagdag niya.