December 25, 2024

Cayetano, suportado pangmatagalang plano sa paglago ng ekonomiya

“Ilang taon na rin nating idinidiin na dapat nang mag-move-on ang gobyerno sa paggawa ng annual goals at sa halip ay gumawa ng pangmatagalang programa na makabubuti sa buhay ng mga Pilipino.”

Ito ang wika ni Senador Alan Peter Cayetano ngayong Martes, January 31, 2023, sabay ang pagbati niya sa paglagda ni Pangulong Marcos ng Executive Order No. 14 na nag-aapruba sa Philippine Development Plan (PDP) para sa taong 2023 hanggang 2028.

Ayon sa senador, suportado niya ang layunin at plano ng pamahalaan tungo sa tuloy-tuloy na pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.

Maaalalang sa kampanya niya para sa Senado noong 2022, sinabi ni Cayetano na ang kailangan ng bansa ay isang long-term plan na isasagawa ng pamahalaan magkaroon man ng pagbabago sa liderato nito.

“Ang problema kasi, marami tayong magagandang plano, pero kapag nagpalit na ng administrasyon nababale-wala na dahil gustong gumawa ng sarili. Let us hope EO No. 14 is the start of a more sustainable view of government programs,” wika niya.

Tiniyak din ng senador na itutulak niya ang pagpasa ng ilang panukalang batas na inihain niya sa Senado na ang layon ay long-term economic recovery. Kabilang dito ang Progresibong Pilipinas Para sa Lahat ng Pilipino (Senate Bill No. 300) at ang SMART Philippines Act (Senate Bill No. 298).

Sa ilalim ng SB No. 300, bubuin ang Philippine Decentralization Committee (PDC) na gagawa ng isang five-year midterm at isang 10-year long-term Philippine Decentralization Plan.

Gagawa rin ng pag-aaral ang PDC sa paglilipat ng national government agencies (NGAs) sa mga rehiyon nang sa gayon ay mapabuti ang pagdadala ng serbisyo sa kanayunan.

Sa ilalim naman ng SB No. 298, bubuuin ang Smart Philippines Council na gagawa ng isang five-year strategic action plan na nakatuon sa pag-modernize ng digital infrastructure, health, transportation, education, finance, at urban development sa lahat ng siyudad at bayan sa bansa.

“Panahon na para magplano tayo hindi lang para sa sarili natin kundi para sa mga susunod na henerasyon,” wika ni Cayetano.

“A five-year plan is good, but a 10-year or even a 20-year plan is even better. We have to keep our children and our children’s children on the top of our priorities, and now is the time to prepare for their future,” dagdag pa niya.