November 5, 2024

Cayetano, iniisip na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022

Seryosong pinag-iisipan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na tumakbo bilang Pangulo sa pambansang halalan sa 2022 at hinimok niya ang ibang mga posibleng kandidato na ilahad na ang kanilang mga plano at sumali sa mga debate upang masuri agad ng publiko ang mga ito.

Sa isang panayam sa media na ginanap bago ang isang OFW Town Hall noong ika-4 ng Hunyo, sinabi ni Cayetano na hindi niya isinasantabi ang posibilidad na tumakbo para sa mas mataas na posisyon sa 2022 kahit na may ibang prayoridad siyang inuuna sa kasalukuyan.

“I’m seriously considering running for President or for other positions. But I’m really praying and discerning about it,” ani Cayetano.

Ayon sa mambabatas, dapat ilahad na ng mga kandidato ang kanilang mga plano, sumabak sa mga debate, at hayaan ang publiko na suriin ang kanilang mga pananaw, karanasan, at pangako dahil nahaharap ang bansa sa matinding mga hamon at problema.

“Seryosong usapan ang presidency and unlike any other time in the Philippines, at least after the (Second World) War, napakaraming challenges at problema,” ani Cayetano.

“Anyone and everyone who is qualified and could be a good President should now contribute in putting together a five-year plan. Para kahit sinong manalo, at least may plano na ang ating bansa. Di pwede sa Pilipino ang ‘bahala na,’” dagdag niya.

Noong nakaraang Martes, sinabi ni Cayetano sa isang panayam sa IFM Dagupan na wala pa siyang desisyon tungkol sa kanyang pagtakbo sa halalan sa susunod na taon. Si Cayetano ay tumakbong Bise-Presidente ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Dahil sa kanyang 29 na taon sa serbisyong pampubliko at pagiging malapit na kaalyado ng Pangulo, umiingay ang mga spekulasyon ukol sa kanyang plano para sa susunod na halalan.

Naglingkod si Cayetano bilang konsehal, bise-alkalde, Senador, Kalihim ng Department of Foreign Affairs, at Speaker ng Kamara.

Subalit ayon kay Cayetano, kasalukuyan niyang tinututukan ang pagpasa sa Bayanihan 3 at panuklang 10K ayuda at ang pagbuo ng isang five-year economic recovery plan bago ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

Nang tanungin siya tungkol sa lumalawak na listahan ng mga kandidato na susuportahan ni Pangulong Duterte sa 2022, sinabi ni Cayetano na igagalang niya ang desisyon ng Pangulo.

“Sometimes, you would have to put aside your feelings and just focus on what’s God’s purpose for you at this time at kung ano makukuha mo (and what will be given to you),” aniya.

Sapat na para sa mambabatas na suportahan ng Pangulo ang kanyang pinapanukalang five-year economic recovery plan.