January 25, 2025

Cayetano hinimok ang gobyerno na isaayos ang national budget para matugunan ang lahat ng krisis

Hinimok ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang gobyerno na isaayos ang paggamit ng National Budget para lahat ng uri ng krisis na dumaraan sa bansa ay natutugunan at walang natatabunan.

Sa isang panayam sa media nitong Enero 7, 2022, idiniin ni Cayetano na may pera namang magagamit ang gobyerno sa pagtugon sa mga kalamidad at krisis, pero nakakalat ang mga ito sa iba’t ibang departamento.

“Hindi problema ang pera. There’s P80 billion with DSWD (Department of Social Welfare and Development), DOLE (Department of Labor and Employment), DTI (Department of Trade and Industry), and DOTr (Department of Transportation,” pahayag ni Cayetano.

Aniya, ang kailangan ng gobyerno ay maging organisado sa paggamit nito.

Dagdag pa niya, hindi dapat nababawasan ang atensyong ibinibigay ng gobyerno sa bawat hawakan nitong krisis o kalamidad.

“Medyo magaling na tayo sa relief but medyo mabagal talaga tayo sa rehabilitation. In fact ‘pag may nangyaring bagong kalamidad, nakakalimutan na natin y’ung dati,” wika ni Cayetano.

Ganoon aniya ang nangyari sa bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, na tumama sa bansa isang buwan matapos ang 7.2-magnitude na lindol sa Bohol.

“That happened to Bohol n’ung malaki ang damage ng lindol before tapos nagka-Yolanda. Buti na lang the Boholanos said unahin n’yo ang Yolanda kasi sila maraming namatay, kami damage lang. Pero hindi na nabalikan y’ung iba,” wika ng dating Speaker.

“I hope this doesn’t happen to the victims of typhoon Odette,” dagdag pa niya.

Ito nga raw ang isa sa mga dahilan kung bakit isa sa campaign promise nila ng kanyang running-mate na si Presidente Rodrigo Duterte ang pagbuo sa Department of Disaster Resilience.

“Sobra tayong nagpapasalamat sa NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) and of course  sa local governments, but really we need an agency sa dami ng bagyo, earthquake, pumuputok na bulkan, and also man-made tulad ng sunog na mga nangyayari. We need a department na walang ibang ginawa kundi relief at rehab,” wika ni Cayetano.

Pandemic response

Hinimok din ni Cayetano ang  pamahalaan na huwag maging kampante pagdating sa pagtugon sa pandemya, lalo na sa pagbibigay ng tulong pinansyal.

“Nagtatrabaho naman talaga ang gobyerno, lalo na y’ung local government, o IATF, pero y’ung mindset kasi parang matatapos na ang pandemic, may bakuna na, may gamot na, eh all the doctors have been telling us, we have to live with COVID, hindi basta mawawala ito,’” diin ni Cayetano.

“We cannot innovate, we cannot adapt kung ang parati nating iniisip ‘matatapos na’,” dagdag niya.

Puna ni Cayetano, magdadalawang-taon na ang pandemya subali’t tila hindi pa rin malinaw sa gobyerno kung paano nito sisiguraduhing lahat ng pinakaapektadong Pilipino ay mabibigyan ng tulong.

“Ang good news, between DSWD, DOLE, DOTr, at DTI, may P80 billion na ayuda. Ang bad news, napakaliit ng P80 billion,” wika ng dating Speaker.

“So kung magla-lockdown tayo, mangangapa na naman tayo kung saan tayo kukuha, so napaka-importante na sa bawat galaw natin, we try to predict the unpredictable,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, pinakamadali at mabisang paraan pa rin ang direktang pamimigay ng financial assistance, lalo na’t nagbabadya na naman ang mas mahigpit na lockdown dahil sa mga kaso ng Omicron variant infection.

Hindi rin umano makakabuti kung pipiliin pa ang mga makakatanggap. “The most simple way is tulad sa Bayanihan 1. Just give it per family, ibigay niyo sa LGU, at lahat bigyan niyo na. So y’ung targeted approach na per department, it really doesn’t work, so I hope ma-speed up talaga para hindi naman mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan,” wika ni Cayetano.