November 23, 2024

CAYETANO: DAPAT ITULOY WAR ON DRUGS AT ‘BUILD, BUILD, BUILD’ PROGRAM

Nanawagan si dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa susunod na administrasyon na ituloy ang programa laban sa iligal na droga, Build Build Build, at pamimigay ng ayuda ng Duterte administration.

Pero sinabi ni Cayetano na dapat ibahin ang landas na tatahakin ng war on drugs.

“Dapat walang abuso, at dapat mas maraming rehab center,” sabi ni Cayetano na running mate ni Duterte noong 2016 elections at tumatakbo ngayon sa pagkasenador.

Sinabi ni Cayetano na dapat magkaroon ng prevention program gaya ng pagpapalakas ng sports sa mga kabataan at medical approach upang matulungan ang mga na-adik.

“They became addicted not because they wanted to, but because they were curious and the drugs took over their minds and hearts. So there has to be a medical intervention, too,” sabi ni Cayetano.

Ang pagpapatuloy naman umano ng Build Build Build program ay makalilikha ng maraming trabaho at makakapagpaluwag sa mga urban area.

Kung magiging mabilis umano ang pagbiyahe sa Metro Manila kung saan maraming trabaho patungo sa mga kalapit na probinsya ay luluwag ang National Capital Region.

“Kung gusto nating mawala yung trapik sa highly urbanized, kailangan talagang lumabas. Kailangan mas marami talagang infra and kailangan matuto tayo… (sa) Japan at China (kung saan) ang bibilis ng mga tren,” dagdag pa ni Cayetano.

Iginiit naman ng solon na marami pa ring pamilya ang nangangailangan ng tulong upang makabangon kaya dapat ipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda.

Itinutulak ni Cayetano ang pagbibigay ng tig-P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino na magiging daan din umano upang muling umangat ang ekonomiya.