December 25, 2024

Cash work program inilunsad

INANUNSYO ng Navotas city government nung Linggo na ang mga residente ng lungsod ay maari na ngayon mag-apply para sa cash-for-work program upang bigyan sila ng dagdag na kita.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang pamahalaang local ay nangangailangan ng 1,000 aplikante na cash for work at gagawin ang application sa harap ng Comelec Office Navotas na nagsimula kanina, August 24, 9 a.m. to 4 p.m. hanggang August 28.

Sinabi ng punung lungsod na 200 aplikante lang kada araw ang tatanggapin para masunod ang physical distancing at pinaalalahan na siguraduhing may suot na face mask na natatakpan ang bibig at ilong.

Aniya, hindi maaaring mag-apply ang mga buntis dahil bahagi sila ng vulnerable sector o  mga taong pinaka-madaling mahawaan ng virus.

Samantala, iniulat kay Mayor Tiangco ng Navotas City Health Office na 68 mga pasyente ang pinayagan ng makauwi nung Linggo na naging dahilan upang umabot na sa 3,245 ang bilang ng mga gumaling sa COVID-19 habang 13 ang nadagdag na nagpositibo sa sakit.

Hanggang 8:30 nung Lunes, sinabi ni Mayor Tiangco na nasa 4,092 na ang kabuuang bilang ng tinamaan ng nakamamatay na sakit sa lungsod, 732 dito ang active cases at 115 ang namatay.