Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ngayon ng mga senior citizen sa bayan ng Taytay dahil makatatanggap pa rin sila ng P2,000 na sana’y P4,000 na cash gifts mula sa pamahalaang lungsod.
Sa Facebook post ng Taytay Trending News Online page, dahil sa pagtutulungan ng mga concerned citizen para kalampagin si Taytay Mayor Allan De Leon ay nag-realign ng pondo para maisakatuparan na ang benepisyo ng mga senior citizen subalit ibinalik sa dating P2,000.
Sa ipinakitang dokumento ng Taytay Trending News Online, nasa P30 milyon budget ang ni-realign ng Sanguniang Bayan para sa kalusugan, konstraksyon at iba pang mga proyekto at programa.
Idinadaing naman ng maraming concerned citizens na mas inuna pa ang P6 milyon na Christmas lights sa Park at concert expense kaysa ilagay sa financial assistance para sa mga senior citizens.
Una nang pinuna ni dating Mayor Joric Gacula sa kanyang Facebook live kasama ang ilang senior citizen kung bakit walang pondo ang bayan para ibigay ang P4,000 cash gifts sa mga senior citizens gayung malaki ang iniwan niyang pondo bago ito bumaba sa puwesto.
“Ayon sa ating mga member ng Sangguniang Bayan… si Konsi Joan.. nagkaroon ata ng hearing. At ang ating president ng Federation ng senior citizens ay ipinu-push pa rin na P4,000. Kaya lang nakakalungkot nga na parang dun mismo sa panayaman sa ibang budget officer ay walang nabanggit dahil tinanong daw ni Konsi Patrick kung magkano raw ang budget ng munisipyo na natitira as of these day. E wala po raw nakasagot,” ayon kay Joric.
“Sinasabi na tanging P48,000 lang ang pondo ng Pamahalaang Bayan gayung bongga ang mga pa-ilaw at pa-concert. Sa isang araw lang ang pasahod sa empleyado ng munisipyo ay daang libo,” dagdag ng dating alkalde.
Aniya, hindi na naniniwala ang mga senior citizens kung paulit-ulit ang sinasabi na P48,000 na lamang ang pondo ng pamahalaang bayan na parang zarzuela na lang.
“Kaya ang tanong, bakit ayaw ibigay P4,000 sa mga senior citizens?” ayon kay Gacula.
“Ayaw kong mag-isip ng masama, pero anong masama kung ibibigay sa senior citizens ang P4,000?” giit pa ng dating alkalde.
Bagama’t nauunaawan ng mga senior citizens sa Taytay, Rizal na maganda ang layunin ng realignment ng budget para sa mga proyekto at programa sa nasabing bayan, pero anila hindi maaring balewalain ang lagay ng ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap at matatanda.
Saad nila, ito lang ang inaasahan para maitawid ang pangangailangan nila sa pagkain at gamot. Marami pa nga sa kanila riyan, ay silang inaasahan sa mga bayarin. Hindi na sila makapaghihintay, lalo pa’t nasa panahon na sila ng kanilang “dapit-hapon,” ipagkakait pa ba sa kanila ang kapiranggot na cash gift lalo na ngayong magpa-Pasko? (ABNT)
More Stories
Panghaharas ng China Coast Guard sa West Philippine Sea asahan na… MAINIT ANG ULO SA ATIN NG TSINA – ANALYST
AMA NA GINAWANG PARAUSAN ANG STEPDAUGHTER, ARESTADO MATAPOS MANG-HOSTAGE NG ANAK
BuCor nagsagawa ng seminar workshop kaugnay sa GCTA