September 18, 2024

Carwash boy tinubo sa ulo

NASA malubhang kalagayan ang isang carwash boy matapos hatawin sa ulo ng tubular metal ng kanyang kalugar habang nakikipagtalo ang biktima sa kapatid ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Jose Reyes Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si Jeffrey Mora, 37, ng 139 Interior Sanciangco St. Brgy. Catmon.

Pinaghahanap naman ng mga pulis upang maaresto ang suspek na nakilalang si Marion Morallos, nasa hustong gulang na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon ni PSSg Ernie Baroy, alas-7:30 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at kapatid ng suspek na si Jomar sa labas ng bahay ng una.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo, biglang sumulpot mula sa likod ang suspek at hinataw sa ulo ang biktima gamit ang tubular metal. Mabilis na isinugod ang biktima sa Tondo Medical Canter at kalaunan ay inilipat sa JRMC hospital.