November 5, 2024

CARPIO KUMASA SA HAMONG DEBATE NI DUTERTE

TINANGGAP ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte para magdebate sa isyu sa West Philippine Sea partikular na ang 2016 rulling ng Pemanent Court of Arbitration sa Hague na pumabor sa Pilipinas laban sa China.

“I gladly accept the challenge anytime at the President’s convenience,” ani Carpio.

Kasabay nito, hinamon din ni Carpio si Pangulong Duterte na totohanin ang kanyang sinabi na agad magbibitiw sa puwesto kung mapapatunayan na may kinalaman ang dating mahistrado sa pag-atras ng mga barko ng Philippine Navy mula sa West Philippine Sea.

Sa kanyang ‘Talk to the People’, tinawag ni Pangulong Duterte si Carpio na ‘ugok’ dahil sa pagtutulak sa pagkakapanalo ng Pilipinas kontra China noong 2016 sa international arbitration tribunal.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na papel lang ang pagkakapanalo ng Pilipinas at maari niya itong itapon sa basurahan.

“President Duterte should now resign immediately to keep his word of honor. I state under oath that I was never involved in the decision to withdraw Philippine Navy ships from the West Philippine Sea during the 2012 Scarborough standoff,” buwelta pa ni Carpio.

Sinabi pa niya na maaring tumestigo para sa kanya sina dating Pangulong Noynoy Aquino, ang noon ay Defense secretary, Foreign Affairs secretary at mga commanding generals ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.