May 6, 2025

CAMILLE VILLAR ‘DINEDMA’ NI MARCOS SA BATANGAS SORTIE

BATANGAS — Hindi nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si senatorial candidate Camille Villar sa kanyang talumpati sa campaign sortie ng administrasyong Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Batangas noong Sabado, Mayo 3, sa kabila ng dati nitong pagkilala sa kongresista sa mga naunang okasyon.

Sa kanyang talumpati, tumutok ang Pangulo sa mga proyekto ng administrasyon at hindi gaya ng dati, hindi nito binanggit ang pangalan ni Villar — isang kilalang kaalyado na matagal na niyang inendorso kahit wala ito sa mga kampanya.

Ang tila pag-iwas kay Villar ay nangyari ilang araw lamang matapos ipag-utos ni Pangulong Marcos ang imbestigasyon sa PrimeWater, ang water utility firm na pinamumunuan ni Villar, bunsod ng patung-patong na reklamo mula sa mga konsumer kaugnay sa kalidad ng serbisyo.

Sa kabila nito, nananatili ang tahimik na kampo ni Villar, at walang inilalabas na pahayag tungkol sa hindi pagkakabanggit ng kanyang pangalan sa naturang sortie.

Matatandaang inendorso ni Vice President Sara Duterte sina Villar at Senador Imee Marcos — na una nang kumalas sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas — dahil umano sa kanilang “pagkakaisa sa isang bisyon.” Ngunit sa pinakahuling rally ng Pangulo, hindi na nabanggit si Villar, samantalang naka-focus si Marcos Jr. sa plataporma ng kanyang administrasyon.

Ayon sa Pangulo, patuloy ang kanyang pamahalaan sa pagsasakatuparan ng mga makabuluhang proyekto bago matapos ang kanyang termino. Kabilang dito ang:

  • Pagpapatayo ng 150 rice processing plants, na madaragdagan pa ng 20 bago matapos ang 2025, at sisimulan pa ang 50 bagong planta.
  • Pagtiyak sa maayos at matatag na suplay ng kuryente at tubig.
  • Pagkakaroon ng kauna-unahang subway system sa bansa sa ilalim ng Metro Manila Subway Project.
  • Pagsasaayos ng digital infrastructure para magkaroon ng internet access ang lahat ng Pilipino saan mang bahagi ng bansa.

“Bago po ako matatapos bilang pangulo, magkakaroon na tayo ng subway dito sa Pilipinas… At aking layunin na bago ako umalis sa aking opisina, bawat Pilipino ay may internet na kahit saan man sila,” ani Marcos Jr.

Susunod na destinasyon ng administrasyon: Cebu sa Mayo 5, sa imbitasyon ni Governor Gwen Garcia, para sa One Cebu Rally na gaganapin isang linggo bago ang halalan sa Mayo 12.