PINAGMULTA ng Supreme Court (SC) ng P30,000 si Cagayan Governor Manuel Mamba at ang kanyang abogado mula sa Macalintal Law Office, matapos mapatunayang guilty sa indirect contempt.
“After a punctilious review of the records, numerous news reports that the Court takes judicial notice of, and Gov. Mamba and Macalintal Law Office’s assertions in their Compliance…the Court is convinced that Gov. Mamba and Macalintal Law Office should be cited in indirect contempt under Rule 71, Section 3(c) and (d) of the Rules of Court,” ayon sa SC.
Magugunita na makalipas ang isang linggo mula nang maghain ng petition para sa pagpapalabas ng TRO at writ of preliminary injuction ay binawi ito ng kampo ni Mamba at kanyang mga abogado nang walang paliwanag.
Base sa records ng hukuman, Agosto 19, 2023 nang hainan ng contempt and detention order ng PNP ang gobernador mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pagtangging humarap sa pagdinig sa alegasyon ng bilihan ng boto noong 2022 elections.
Agosto 22 naman isinumite ni Mamba ang petisyon na agad tinugunan ng Supreme Court En Banc noong Agosto 24 sa pamamagitan nang pagpapalabas ng TRO at mapigilan ang pagpapatupad ng utos ng Kamara.
Gayunman, bago pa makumpleto ng hukuman ang pagsisilbi ng kopya ng utos sa mga partido mula sa Kamara ay naiulat na sumuko si Mamba sa mga kongresista at noong Agosto 29 ay naghain na ito sa Supreme Court ng manifestation at mosyon para bawiin ang kanyang petisyon.
Kasunod nito, inatasan ng Korte Suprema si Mamba at ang Macalintal Law Office na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat ma-contempt at mapatawan ng parusa.
Bagamat naghain na ng sagot si Mamba at ang kanyang mga abogado ng tugon noong Setyembre 27, hindi nakuntento rito ang Supreme Court.
Samantala, tumanggi muna ang Macalintal Law Office sa pamamagitan ni Atty Romulo Macalintal na magkomento sa desisyon ng Korte Suprema.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA