November 24, 2024

Bumaha ng dugo sa Lebanon: 2 Pinoy kabilang sa higit 100 nasawi sa matinding pagsabog

IBINAHAGI ng isang Pinay na domestic helper ang kanyang nakakatakot at nakagigimbal na karanasan nang mangyari ang pagsabog sa Beirut Port sa Lebanon na ikinasawi ng mahigit sa 100 katao.

Hindi gaanoong kalayo ang pagitan sa bahay ng employer ni Ursila Guila mula sa pinangyarihan ng pagsabog nitong Martes. Nasa loob lamang daw siya ng kuwarto na napaliligiran ng bintana nang makita niya ang maitim at mataas na usok. Sa lakas ng impact, nabasag daw ang mga bintana sa siyudad, tumumba ang mga sasakyan at winasak ang mga gusali.

“Binuksan ko. Doon na ako napalipad, doon na ako napatapon, basta bumagsak ako sa sahig… Doon ko na nakita na tumutulo na ang dugo ko. Marami nang dugo sa sahig na umaagos. Hinipo ko yung mukha ko, puro dugo pala ako. Wala akong naramdaman kasi noong oras na ‘yun,” ani niya sa CNN Philippines.

Nagtamo rin siya ng malalim na hiwa sa kanyang siko at sugat sa gilid ng kanyang ulo. Tumalsik din ang mga bubog sa kanyang bibig at mukha.

Nang tumigil na ang pagyanig, agad siyang nagtungo sa ospital pero umuwi rin nang makita niya ang pagdagsa ng mga tao na mas matindi pa ang tinamong pinsala.

“Punong-puno, ang daming sugatan talaga. Mas marami pang mas malalang sugatan kaysa sa akin,” aniya.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., nasa pangangalaga na ngayon ng embahada ng Pilipinas sa Beirut si Guila.

Dalawang Filipino naman ang namatay, walo ang sugatan habang 12 pa ang nawawala sa nangyaring pagsabog, ayon kay Philippine Charge d’ Affaires to Lebanon Ajeet Pandemanglor. Ayon sa Department of Foreign Affairs, nasawi habang nasa loob ng kanilang bahay ang mga Filipino nang mangyari ang pagsabog.

Patuloy namang minomonitor ng embahada ang sitwasyon at nakahandang tulungan ang mga Pinoy na apektado ng nasabing pagsabog.

Sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na magsisikiap ang pamahalaan na maiuwi ang mga Filipino matapos ang madugong pagsabog sa Lebanon.

“I think the government will continue with its repatriation of nationals who wish to be evacuated from the area. Lebanon as we know is war-torn, we’ve issued series of advisories against working in Lebanon,” wika niya.

Nasa mahigit 31,000 Filipino ang nasa Lebanon.

Umakyat na sa 100 ang nasawi habang higit sa 4,000 ang nangyaring pagsabog, ayon sa ulat ng Reuters.

Sa pahayag naman ni Lebanon’s Prime Minister Hassan Diab, sumabog ang isang bodega na may 2,750 tonelada ng ammonium nitrate, isang highly explosive material na ginagamit sa fertilizer at bomba, na anim na taon ng nakaimbak.

Hindi naman tinawag ng mga opisyales ng Lebanon ang nangyaring pagsabog na isang pag-atake.