December 18, 2024

Bumagsak sa thesis… ESTUDYANTENG TSINOY TUMALON SA ROOFDECK NG CONDO, LASOG

PATAY ang isang 22-anyos na Chinese-Filipino student matapos tumalon mula sa roofdeck ng 56-storey condominium unit building sa Tondo, Maynila, matapos umanong pagalitan ng kanyang magulang dahil bumagsak sa thesis sa pangalawang pagkakataon.

Nangyari ang insidente sa Orchard Residences sa Masangkay, Tondo, Maynila at idineklarang wala ng buhay sa Metropolital Hospital dakong alas-1:08 ng madaling araw.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni PMSg Arvy Macarasig ng Manila Police District-Homicide Section, bago mangyari ang insidente, pinagalitan umano ang biktima ng kanyang magulang dahil bumagsak ito sa thesis sa pangalawang pagkakataon.

Nabatid na naglalakad ang security guard na si Havid Vero dakong alas-11:45 ng gabi nang marinig niya ang isang malakas na kalabog. Nang tingnan niya kung saan nagmula ang tunog, nakita niya ang biktima na nakahandusay sa sahig.

Sinasabing nahulog ang biktima sa Rectory Building sa loob ng St. Stephen Parish Compound sa Masangkay, Tondo.
Matapos kumpirmahin ng ama ng biktima na ang namatay ay talagang ang kanyang sariling anak, humingi siya ng tulong sa guwardiya upang dalhin ang biktima sa ospital ngunit walang nangyari.

Nagsasagawa na ang pulisya ng imbestigasyon upang matukoy kung may foul play sa pagkamatay ng biktima o wala. ARSENIO TAN