December 24, 2024

BUHAY NG PINOY ‘SUMAMA’


DUMAMI ang mga Filipino na pumangit ang buhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations o SWS.

Isinagawa ang pag-aaral habang dumaranas sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic at mga lockdown ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Lumalabas na 83 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing ‘sumama ang pamumuhay’ – ang pinakamalalang survey sa kasaysayan.

Hindi na nakapagtataka pa dahil nga rito sa COVID, pero ang nakapag-iinit lang ng ulo ay sinabayan pa ito ng mga naglalabasang isyu sa DOH gayundin sa SAP ng DSWD kasabwat ang ilang opisyal na barangay.

Mantakin ninyo, may pandemya na pero puro pagkakitaan pa ang iniisip ng ilang tiwaling opisyal.

Hindi na nga siguro mawawala ang korapsyon sa Pilipinas kaya si Juan ay patuloy na naghihirap.

Mabuti pa nga noong panahon ng Kastila, sa panahon ni Rizal; walang Pilipinong yumaman subalit wala namang nagugutom. Hindi naman sana mangyayari na tayo ay maghirap dahil may pera ang gobyerno. Kung nagagamit lang sana ng tama ang salaping ito, wala sanang Pinoy na naghihirap.

Pero malabong umangat ang buhay ni Juan hangga’t nariyan ang mga korap na opisyal.

Wala rin sanang Pinoy, matanda o bata na natutulog sa lansangan at nagugutom kung kikilos ang gobyerno sa halip na makipagmurahan, makipagbangayan o gumanti sa mga hindi kaalyado o mga itinuturing na kaaway.

Palibhasa’y hindi narasan ng mga opisyal ng ating gobyerno kung papaano matulog ng walang banig, kumot at unan. Gayundin sa pagkain, marahil ay hindi nila narasan kung papaano humapdi ang sikmura ng isang nagugutom. Idinadaan na lamang nila sa tulog upang hindi na maranasan ang gutom. Masuwerte na makakain sila ng isang beses.

Kung sino pa ang may pinag-aralan ay sila pa ang hindi makaintindi sa mga hinaing ng kanilang kababayan. Dapat ay maranasan din muna nila ang pagiging isang mahirap bago nila malaman kung ano ang tamang gawin sa mga naghihirap nating kababayan.