NAGSIMULA ang kauna-unahang ‘play for pay ‘sa Asia na Philippine Basketball Association (PBA) noong dekada ’70 kung saan ay patok agad ang Toyota-Crispa rivalry.
Iba ang mga panatiko ng dalawang pinakasikat na team sa PBA noon kung saan daig pa ang showbiz fans sa following at lalong sumidhi ang kanilang rivalry in and out of the playing court na tinampukan pa ng rambulan ng mga players sa dugout na bentang -benta sa liga mula sa fans , teams at media.
Laging puno ang Araneta kapag Crispa-Toyota sa banggaan ng mga idolong sina Redmanizers Bogs Adornado, Atoy Co, Philip Cesar ,Bernie Fabiosa, Freddie Hubalde import Cyrus Mann laban kina Tamaraws Robert Jaworski, Francis Arnaiz, Mon Fernandez, Bigboy Reynoso, Abe King at reinforcement Byron ‘Snake Jones.
Pero ‘di naging forever ang ribalan nang mabuwag ang dalawang koponan sa magkaibang panahon. Sa pagkawala ng Toyota ay lumutang ang Ginebra era.
Magmula sa pangalang Gilbey’ s Gin kung saan napadpad ang binansagang ‘Mutt n Jeff ‘na sina Jawo at Kiko ay naglipatan din ang maraming Toyota fanatics at sinundan ang dalawang idolo sa hardcourt. Naging pulutong sila hanggang maging GINEBRA NA! Gordon’s Gin at Barangay Ginebra San Miguel noong dekada “80 hanggang ’90.
Mas matindi ang fans ng tropa ni Jawo. Lahat nang kalabang koponan ng Ginebra ay mortal na karibal nito at kuyog sa die hard Ginebra fans. Ang buhay ng panatiko ng binansagang never-say-die team ay lubhang apektado manalo man o matalo.
Kapag panalo ang Ginebra, ang ganda ng gising nila at halos pakyawin ang mga diyayo sa newstand upang basahin ang resulta ng larong pinanood naman nila buong game sa telebisyon o mismo sa Cuneta sa Pasay o ULTRA sa Pasig na pinanonood din sa mga restoran, bars, terminal, aircon bus at may pa-ending pa noon . Maaga pa lang ay nasa pila na sila habang ang ibang me sobrang pera ay bumibili pa sa mga iskalper nang halos triple ang presyo para makatiyak lang ng upuan pag may laro ang Ginebra.
Maganang kumain, masaya ang maghapon dahil ligtas sa kantyaw at ang iba ay nagpapainom pa na kahit malasing basta ang topic ay Ginebra at si Jawo ay ‘sky is the limit’ ang laklakan at kuwentuhan.
Pero kapag talo ang Ginebra, masama ang gising, mainit ang ulo at halos punitin ang diyaryo kaya huwag lang kantiyawan kundi ay maghahalo ang balat sa tinalupan tulad na lang ng madalas mangyari kapag labasan sa Cuneta o ULTRA at talo ang manok nila ay habulan at away ang eksena sa kalsada kapag nakantyawan ang Ginebra fans ng ‘talo na naman.. uwi na kayo!! Kaya madalas sa presinto sila nagkakaliwanagan.
Isang klase ng panatikong Ginebra ay si Ka Tony ‘Ambo Ambulario (sumalangit nawa) ng Blumentritt sa Maynila. Sobrang inidolo si playing coach Jaworski kaya kahit saan team maglaro si Big J ay doon siya.
Laging nakahiwalay sa kanyang malakas na kita sa palengke ng Blumentritt ang panggastos sa tiket at pagkain pati pamblow-out ‘pag nanalo ang Ginebra. Siya iyong panatikong ipamimigay ang suot na jacket o t-shirt kapag talo ang kanyang living legend dahil aniya ay malas ang Ginebra pag iyon ang suot niya. Inaaway niya kahit siga sa kanto ‘pag ang Ginebra ay talo.
Tunay na napakalaki ng impluwensiya ng Ginebra at ni Jaworski sa buhay ng Ginebra fans noon mula sa mga babae at lalaki, bata o matanda at anumang katayuan sa buhay kaya buhay na buhay ang PBA lalo noong panahon ni PBA Commissioner (late) Jun Bernardino.
Noon ay umaalingawngaw ang sigaw na GI-NEB-RA,,, JA-WORS-KI! lalo kapag tinatambakan nila ang kalaban o naghahabol sa mga pukol na tres ng mga asintadong Ginebra shooters.
Instant sikat kapag naging player ng Ginebra lalo kapag 3 syllables ang pangalan ay kasama sa chant ng fans tulad nina LOY-ZA-GA!, GON-ZAL-GO!, I-SA-AC, MA-MA-RIL,! JA-REN-CIO,DIS-TRI-TO! A-QUI-NO! Maliban sa mga sumikat ding Gin Kings na sina Dondon Ampalayo. Bal David , Vince Hizon,Noli Locsin pati sina Ed Ducut, Rolly Buhay at super sikat na imports na sina Michael Hackett, Billy Ray Bates at Joe Ward.
May nakagawa pa nga ng kanta mula sa isang singer na frustrated fanatic dahil mas madalas ang talo noon ng Ginebra upang magpapanalo naman sa mensahe ng kanta.
Sila iyong mga panatikong galit na galit kina Ronnie Magsanoc, Benjie Paras, Alvin Patrimonio, Glenn Capacio, Johnny Abarrientos , Jojo Lastimosa, Vergel Meneses, Allan Caidic, Kenneth Duremdez, Gerry Esplana, Hector Calma maging si Fernandez na madalas na dahilan ng kabiguan ng Ginebra pero tulad ng kanilang beloved team ay never-say-die sila.
Ganoon din kalakas ang impluwensiya ng die hard Ginebra fanatics kung kaya marami din itong napanalunang kampeonato na humawa pa sa sumunod na henerasyon nina Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at mga bagong Gin Kings na sinusundan, iniidolo at tinitilian tuwing may laban ang GI-NEB-RA!
More Stories
Matinding hamon kina GM Laylo at Dableo ang Sta. Maria Town Fiesta Chess Challenge sa Peb. 2
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
2025 Sta. Maria Town Fiesta Chess Challenge susulong sa Peb. 2