December 24, 2024

BuCor nakipagtulungan sa NBI para madakip ang correction officer na pumatay sa mag-ina

IBINUNYAG ni Bureau of Corrections Director General Gregorio P. Catapang Jr. na nakipagtulungan ang BuCor sa National Bureau of Investigation (NBI) simula pa lang noong day one nang matukoy na isa sa mga suspek sa pagpatay sa mag-ina noong nakaraang buwan ay isang correction officer.

Ayon kay Catapang, ibinigay nila ang lahat ng impormasyon sa NBI para sa kanilang imbestigasyon, na naging dahilan upang maaresto si Corrections Officer 1 Pio Jonatahan Eulalio.

Aniya, nakipag-ugnayan sila kay Justice Secretary Crispin Remulla at ipinaalam sa kanya itong development noong Hulyo 13.

Sinuspinde rin ni Catapang si Eulalio at kalaunan ay tinanggal sa serbisyo dahil aniya wala puwang sa bureau ang mga ganitong uri ng utak-kriminal.

“That is one of the reasons why I am here, to cleanse the bureau of scalawags,” dagdag pa ni Catapang.

Mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, 23 BuCor personnel ang dinismis sa prison service, 53 ang sinuspinde, 21 reprimanded at 179 personnel ang pormal na kinasuhan dahil sa iba’t ibang paglabag.

Kinuha pa ng Bucor si Dr. Raymund Narag para sa isang serye ng mga lektura tungkol sa mga prinsipyo ng epektibong seminar sa pamamahala upang bigyan ang mga opisyal ng wastong kaalaman sa pakikitungo sa mga PDL bukod sa iba pang mga lektura at seminar.

Lumikha din ang Bureau ng technical working group para sa feasibility study sa pagtatatag ng Philippines Corrections Academy, bukod sa pag-activate ng Directorate for Personnel Education and Training Service (DPETS) at ang paglikha ng Master’s Education and Training Program para sa Junior at Senior Custodial Supervisory Course at program officer basic at advance courses para sa custodial.

“Although what happened is an isolated case, I will also push for the strengthening of the monitoring system of released PDLs from correction facilities and work closely with the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment and Department of Interior Local Government for the  employment of released PDLs,” ayon kay Catapang.


Si Eulalio, na nakatalaga sa Escorting Unit ng National Bilibid Prison, ay naka-leave mula sa serbisyo mula nang gawin ang krimen hanggang sa siya ay maaresto sa kanilang inuupahang safehouse sa Kensington Lancaster sa F. Manalo Road, Brgy. Navarro, General Trias, Cavite noong Hulyo 12, isang araw pagkatapos ng pag-aresto sa kanyang kasabwat na si Raymond D. Reyes, isang dating bilanggo.

Ayon kay Catapang, naaresto sina Reyes at Eulalio kaugnay sa pamamaslang kay Christian Ortega at kanyang ina na si Gloria Ortega, 70, isang business woman, kapwa nakatira sa Barangay Baesa, Quezon City.

Sa datos ng Bucor, nakalaya si Reyes sa pamamagitan ng inisyu na Certificate of Discharge mula sa Prison na nilagdaan ng noo’y Acting Superintendent ng Sablayan Prison and Penal Farm, CCINSP Angelito Lapitan noong April 24, 2024 matapos bunuin ang kanyang maximum sentence para sa krimen ng homicide, na sinistensiyahan ng pito hanggang 15 taon na pagkakakulong.

Bago ilipat sa BuCor noong Hunyo 11, 2019, nakulong si Reyes sa Quezon City Jail mula Agosto 25, 2012. Habang si Eulalio ay nasa serbisyo bilang CO1 mula noong 2020.