
Upang higit pang mapalakas ang programa para sa reintegration o muling pagbalik sa lipunan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), iniatas ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagtatayo ng mga halfway house sa lahat ng operating prisons and penal farms (OPPFs) sa buong bansa.
Ayon kay Catapang, ang inisyatibong ito ay naglalayong ihanda ang mga PDL sa kanilang paglaya, at tiyaking may sapat silang suporta at kakayahan upang makapagsimulang muli sa labas ng kulungan.
“Hindi sapat na palayain lamang sila. Kailangan din silang bigyan ng kaalaman at kasanayan upang matagumpay na makabalik sa komunidad,” ani Catapang sa kanyang memorandum na ipinadala sa lahat ng Superintendents ng OPPFs at mga kaukulang yunit para sa ugnayang panlabas.
Ang mga itatayong halfway house ay magsisilbing pansamantalang tirahan ng mga PDL na malapit nang makalaya, habang hinihintay pa ang kanilang settlement arrangements. Magiging sentro rin ito ng mga counseling sessions, orientation programs, interbyu, at mga maiikling kurso upang tulungan ang mga dating bilanggo na makapagsimulang muli at makaiwas sa pagbabalik sa maling landas.
Inatasan din ni Catapang ang mga opisyal ng BuCor na magsumite ng detalyadong plano at disenyo ng bawat halfway house, kasama ang inaasahang badyet para sa implementasyon ng proyekto.
Habang inaantabayanan ang pondo at pagsisimula ng konstruksyon, pinatutukoy na rin ang mga hiwalay na espasyo kung saan maaaring pansamantalang ilagay ang mga PDL na malapit nang makalaya, upang mahiwalay sila sa karaniwang populasyon at makatuon sa mga programang pang-reintegration.
Inabisuhan din ang mga tagapangasiwa na sumunod sa teknikal na alituntunin sa ilalim ng Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10575, o ang BuCor Modernization Act of 2013.
Sa pamamagitan ng mga halfway house na ito, umaasa ang BuCor na mabibigyan ng panibagong simula ang mga dating PDL, sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa pagbabago, kabuhayan, at pagbabalik-loob sa lipunan. “Ang tunay na hustisya ay hindi lamang pagpaparusa, kundi pagbibigay din ng pagkakataong makapagbago at muling makapamuhay nang marangal,” pagtatapos ni Catapang.
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA