May 6, 2025

BUCOR GAGAWING TANIMAN ANG BAKANTENG LOTE, MGA PRESO BIBIGYAN NG TRABAHO

MANILA — Sa layuning tumulong sa food security program ng pamahalaan, nakipagpulong kahapon si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kay Bureau of Plant Industry (BPI) Director Dr. Glen Panganiban upang talakayin ang pag-convert ng mga bakanteng lupa ng BuCor sa mga produktibong taniman.

Ayon kay Catapang, malalawak ang bakanteng lupa sa iba’t ibang penal farms ng BuCor sa buong bansa na maaring pagtamnan at pagyamanin — kasabay ng pagbibigay ng makabuluhang trabaho sa mga persons deprived of liberty (PDLs) o mga bilanggo.

“Layunin naming hindi lang paunlarin ang mga lupain kundi bigyan din ng pag-asa ang mga PDL sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong kaalaman, kasanayan, at layunin para sa kanilang pagbabalik sa lipunan,” ani Catapang.

Nagbigay rin ng mungkahi si Department of Agriculture Assistant Secretary for Export Development Philip Young, na dumalo sa pulong via Zoom. Iminungkahi niyang pumili ng mga halamang akma sa market demand upang masiguro ang tuluy-tuloy at kapaki-pakinabang na ani.

Tiwala naman si Panganiban na magiging matagumpay ang proyekto. Aniya, handang makipagtulungan ang BPI para magbigay ng ekspertis at teknolohiya upang maisakatuparan ang inisyatiba ng BuCor sa ilalim ng adbokasiyang “innovation in governance.”

Sa tulong ng mga bagong programang ito, naniniwala si Catapang na hindi lamang imahen ng BuCor ang mababago, kundi makakatulong din ito sa pambansang layunin ng food security at rehabilitasyon ng mga bilanggo.