
MANILA — Inatasan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga superintendente ng iba’t ibang Operating Prison and Penal Farms (OPPFs) na pag-aralan ang posibilidad ng pagbubukas ng kanilang mga pasilidad bilang eco-tourism sites.
Ayon kay Catapang, ang inisyatibang ito ay naglalayong samantalahin ang likas na ganda ng kapaligiran sa paligid ng mga piitan upang gawing destinasyon ng mga turista, kasabay ng pagtutulak para sa rehabilitasyon ng mga persons deprived of liberty (PDLs), pagpapalawak ng edukasyon, at pagsuporta sa mga lokal na komunidad.
“Marami sa ating mga penal farms ay napapalibutan ng luntiang kagubatan, bundok, at mayamang biodiversity. Ito ay puwedeng gawing bukod-tanging karanasan para sa mga bisita,” ani Catapang.
Binigyang-diin ni Catapang na ang ganitong proyekto ay hindi lamang para sa kita, kundi isang hakbang tungo sa isang makatao at makakalikasang sistema ng pagkakakulong. Aniya, ang aktibong partisipasyon ng mga PDLs sa mga proyektong ito ay makatutulong sa kanilang psycho-social rehabilitation at pagkakaroon ng layunin sa loob ng piitan.
Dagdag pa rito, inaasahan ding makikinabang ang mga lokal na ekonomiya mula sa pagdagsa ng mga turista. Sa tuwing may bisita, natural na tumataas ang kita ng mga lokal na negosyong gaya ng mga kainan, souvenir shops, at mga akomodasyon, ayon sa BuCor chief.
“Ang kita mula sa eco-tourism ay maaari nating ibalik sa mga komunidad at sa pagpapabuti ng mga pasilidad at programa ng mga kulungan. Isa itong win-win situation,” dagdag pa ni Catapang.
Ang BuCor ay may pitong (7) pangunahing OPPFs na maaring gawing eco-tourism sites:
- National Bilibid Prison (NBP) – Muntinlupa City
- Correctional Institution for Women (CIW) – Mandaluyong City
- Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) – Palawan
- Davao Prison and Penal Farm (DPPF) – Davao del Norte
- San Ramon Prison and Penal Farm – Zamboanga City
- Sablayan Prison and Penal Farm – Occidental Mindoro
- Leyte Regional Prison – Abuyog, Leyte
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, iginiit ni Catapang na ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa turismo, kundi isang adhikaing makapagbigay ng pag-asa — para sa mga PDLs na naghahangad ng pagbabago, at para sa mga pamayanang naghahanap ng dagdag na kabuhayan.
Ang pagsasanib ng rehabilitasyon, edukasyon, turismo, at pag-unlad ng komunidad ay patunay na ang mga kulungan ay maaari ring magsilbing sentro ng paghilom at pagbabago, hindi lamang lugar ng kaparusahan.
More Stories
3 Suspek, Arestado sa Buy-Bust Operation sa Dasmariñas City
EX-KONSEHAL, HULI SA NAIA (Kasabwat sa kidnap-for-ransom)
MEKANIKONG ARMADO, ARESTADO SA KALYE SA MALABON