December 18, 2024

BuCor bubuo ng board upang pag-aralan kung pasok si Veloso sa GCTA

Bubuo ang Bureau of Corrections ng isang lupon upang pag-aralan kung karapat-dapat ba si Mary Jane Veloso sa pribilehiyo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang na pag-aaralan nila ang mga rekord ni Veloso na ipinasa sa kanila ng mga awtoridad ng Indonesia.

Magpapasyar in ang lupon kung ang 15 taong pagkakakulong ni Veloso sa Indonesia ay maaaring i-accredit para sa benepisyo.

In due time, we will be able to know if Mary Jane is qualified for GCTA and if there’s GCTA, has she served the minimum so that will entitle her at parole at our level, we can recommend that,” aniya sa isang press briefing sa Correctional Institution for Women kasunod ng pagdating ni Veloso nitong Disyembre 18.

Binanggit ni Justice undersecretary Raul Vasquez na sa paglilipat ng kustodiya kay Veloso, siya ay “mapapailalim sa lahat ng mga batas, regulasyon, at proseso ng gobyerno ng Pilipinas na naaayon sa persons deprived of liberty (PDL).”

Binanggit din niya ang isang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulit sa mga PDLs na nahatilan ng heinous crimes, recidivists, at escapees na makakuha ng GCTA benefit.

“Titingnan din natin kung ano ba ‘yung sistema niya doon, una. Pangalawa, ano ba ‘yung naging conduct niya doon. Pangatlo, ano ba ‘yung pwedeng tingnan na pwedeng paborable,” paliwanag ni Vasquez.

“Kasi ‘yung primary concept natin is always towards human rights and the right to liberty, hindi yung lalong patagalin ‘yung pagkapreso ng mga tao,” dagdag ng opisyal ng DOJ.

Ang GCTA ay isang pribilehiyo na ibinibigay sa mga preso na nagpapakita ng magandang asal at nakikibahagi sa mga programa ng rehabilitasyon.