April 4, 2025

BUCOR AT DENR, NAGKASUNDO SA SEGURIDAD NG LUPAIN NG IWAHIG PRISON

ISINAPORMAL na ng Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang land titling ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa sa pamamagitan ng paglagda sa memorandum of agreement sa BuCor Headquarters sa Muntinlupa City noong Lunes ng hapon.

Pinirmahan ang kasundian nina Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ng BuCor at DENR MIMAROPA Officer-in-Charge Regional Executive Director Felix Mirasol Jr.

Sinaksihan ang seremonya nina Atty. Al Perreras, Deputy Director for Administration ng Bucor, C/SUPT Melencio Faustino, Hepe ng BuCor Legal Office Atty. Jocelyn Yu, at Vicente Tuddao Jr., Hepe ng DENR-MIMAROPA Technical Services Division.

Sa naturang seremonya, binigyang-diin ni Catapang ang kahalagahan ng pagsasapormal ng land ownership.


“The BuCor maintains and administers several public lands across the country through various methods, including presidential proclamations, executive orders, donations, and more,” ayon kay Catapang.

Sinabi ni Catapang na layunin nitong maiwasan ang mga problema sa pagmamay-ari ng lupa at matiyak ang maayos na paggamit ng 29,385.30 ektarya ng lupain ng IPPF.

Ang MOA para sa IPPF ay isang mahalagang hakbang sa pagtatakda ng malinaw na hangganan at legal na katayuan ng mga ari-arian sa ilalim ng hurisdiksyon ng BuCor. Layunin nitong mapadali ang kanilang mga reserbasyon alinsunod sa Republic Act 10575, na kilala rin bilang Bureau of Corrections Act of 2013.


Nilinaw ni Catapang na ang batas na ito ay nag-uutos na lahat ng lupa na pinamamahalaan ng BuCor ay dapat may sertipikadong titulo na nakarehistro sa pangalan ng Bureau. “Kung mayroon kang titulo ng lupa, nagsisilbi ito bilang legal na batayan ng pagmamay-ari, na nagbibigay ng matibay na pundasyon para sa anumang transaksyon o aksyon na may kaugnayan sa lupa,” sinabi niya.


Bukod dito, may mahalagang papel ang DENR sa prosesong ito, dahil mayroon silang awtoridad at kakayahang magsagawa ng mga survey at aprubahan ang mga sukat ng lupa alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Ang pakikipagtulungan na ito sa pagitan ng BuCor at DENR ay nakatakdang pahusayin ang pamamahala, siguruhin ang mga pampublikong lupain, at pagbutihin ang pangkalahatang pamamahala ng malawak na mga teritoryong pinamamahalaan ng Bureau.

“The signing of this agreement not only symbolizes a commitment to effective land management but also reflects a shared vision of ensuring that these valuable resources are recognized, protected, and utilized in a manner that benefits the community and upholds environmental integrity,” ayon kay Catapang.