December 26, 2024

BRGY. CHAIRMAN SA BATANGAS SASAMPAHAN NG KASO DAHIL SA TUPADA

CAMP GENERAL MIGUEL MALVAR, BATANGAS – Pinag-a-araralan na ngayon ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) ang isasampang mga kaso kay Barangay Maugat, Nasugbu, Batangas Brgy. Chairman Ray Oscar Caraig matapos na maaresto ang dalawampu’t walo katao na nagsusugal sa iligal na tupada sa kanyang nasasakupan nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Batangas Provincial Intelligence Unit (PIU), CIDG Batangas at Nasugbu Municipal police station noong hapon ng Biyernes sa Brgy. Maugat ng nabangit na bayan.

Base sa naging panayam ng media kay Batangas Provicial Police Director PCol. Glicerio Cansilao, maliban sa dalawampu’t walong indibidwal na nadakip sa naturang tupada ay meron din nasamsam na sampung mga manok panabong, apat na tari, isang fighting fence, apat na fighting cock boxes at P5,000 na bet money.

Kakasuhan ang mga nadakip na mga nagsusugal ng kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1602 habang irerekomenda rin sa Department of Interior and Local Government o DILG ang kasong kriminal at administratibo sa Barangay Chairman dahil na rin sa pagpapabaya sa IATF Rules. (KOI HIPOLITO)