June 5, 2025

Brgy. Chairman at 2 Kagawad patay, SK Secretary sugatan sa pamamaril sa Cavite; Suspek nagbaril sa sarili

Patay ang isang Barangay Chairman, dalawang barangay kagawad, habang malubha naman sa pagamotan ang Sk Secretary ng Barangay Salitran 3, ng Dasmariñas City Cavite makaraang pagbabarilin ng salarin na nagbaril din sa sarili bandang alas otso ng umaga nitong Lunes, (May 26, 2025) habang nagsasagawa ng flag raising ceremony sa harap ng Barangay Hall sa kaparehong lugar.

Kinilala ang mga nasawi na sina alyas “Raul”, 56 taon gulang ang Barangay Chairman at ang dalawang barangay kagawad na sina alyas “Marvin”, 54, at Alyas “Jose”, 65, malubha namang nasugatan si Alyas “Christine Joseph” nasa hustong gulang ang SK Secretary ng nasabing Barangay at nakilala naman ang salarin na si alyas “Ariel”, 50 anyos, na dati umanong barangay tanod sa naturang barangay.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Dasmariñas Component City Police Station, nilapitan ng salarin na nanggaling sa likuran ang mga biktima habang abala sa seremonya at isa-isang pinaputukan ng ‘di pa batid na kalibre ng baril bago nagbaril din sa kanyang sarili.

Mabilis na isinugod sa iba’t ibang pagamutan ang mga biktima kung saan idineklarang dead on arrival ang dalawa at namatay din ang isa pa habang nilalapatan ng lunas ang isa pa. Dead on arrival din sa St. Paul Medical Center ang suspek, ayon sa mga rumespondeng doktor.

Nagpapatuloy ngayon ang isinasagawang foensic investigation at parafin test ang Scene of the Crime Operatives o SOCO habang sinusuri na rin ng Dasmariñas City PNP ang mga kuha ng CCTV sa lugar malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Nag utos na rin ng malalimang imbestigasyon si PRO 4A Calabarzon Regional Director Paul Kenneth T. Lucas, kaugnay ng insidente para alamin ang tunay na motibo sa nangyaring pamamaril na ikinasawi ng apat na katao at pagkasugat ng isang indibidwal sa lalawigan ng Cavite. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)