December 20, 2024

Breeding ground ng illegal na aktibidades… CAYETANO: POGO ITIGIL NA

NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa gobyerno noong Lunes na itigil ang lahat ng Philippine offshore gaming operations (POGO) sa bansa dahil mas mabigat aniya ang negatibong epekto ng mga ito sa lipunan kumpara sa umano’y benepisyo na dulot sa ekonomiya.

“We must put a stop to POGOs because ‘yang industry na ‘yan has become a breeding ground for illegal activities such as money laundering, and there have been multiple reports of kidnapping and even murder of those working in the industry,” sinabi ni Cayetano noong January 23, 2023.

“In fact, rather than benefiting the economy, the presence of POGOs has harmed the reputation of our country in the international community,” dagdag pa niya.

Nagkomento si Cayetano sa nasabing isyu kasabay ng pagdinig na ginawa ng Senate Committee on Ways and Means tungkol sa buwis na kinikita ng pamahalaan mula sa mga POGO.

Ayon sa ilang senador, nakabatay sa malabong mga kontrata at mga third-party service providers na kapos sa karanasan ang kasalukuyang sistema ng paniningil ng buwis mula sa Gross Gaming Revenue ng mga POGO.

Sinabi na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring mawalan ng saysay ang kinikita ng gobyerno mula sa mga POGO kung lalala lang ang masamang dulot nito sa lipunan, at aniya patuloy na pinag-aaralan ng administrasyon kung ikabubuti o ikasasama lang ng bansa ang patuloy na pag-iral ng mga POGO sa Pilipinas.

Pinunto niya na mga awtoridad na mismo sa China ang tumutugis sa mga nagtatrabaho sa mga POGO, na ang karamihan ay mga Chinese nationals din, at sinabing makikipagtulungan ang Pilipinas sakaling hingin ng China ang tulong nito.

Nananatiling anti-POGO ang posisyon ni Cayetano, na nagmumula naman sa kanyang pagtutol sa anumang porma ng sugal.

“Ang punto ko lang, bakit pahahabain pa ‘yung isyu? Kumpleto naman ‘yung facts, alam naman natin kung makakabuti o hindi. So if you’re arguing from the economic side, klaro ‘yun. If you’re arguing from the moral side, klaro din ‘yun. But sa akin, ‘yung moral at economic, magkakabit,” aniya.

Noong September 2022, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maaari nang bitawan ng bansa ang mga POGO dahil hindi rin naman ganoon kalaki ang kinikita ng gobyerno sa mga ito.

Kasabay nito, tumataas ang aniya’y “reputational risks” o pagkasira ng imahe ng bansa dahil sa mga POGO, sa harap ng total ban na idineklara ng China at Cambodia sa mga offshore gaming operations.

Sa huling bahagi ng 2022, kasabay ng paglabas ng mga ulat ng kidnapping at karahasan sa mga Chinese nationals at ilang mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO, hinimok ni Cayetano ang gobyerno na maging mas “decisive” tungkol sa pagpayag o pagbawal sa mga pasugalan na ito.

“We respect other cities with other opinions, pero naniniwala kami na kapag inallow mo ang gambling, sinusugal mo rin ang buhay ng mga mamamayan mo. Y’ung POGOs parang environmental hazard, either you allow it or you don’t. Ang personal advice ko sa gobyerno, be decisive about this issue,” sinabi ng senador noong October 27, 2022.

Dagdag niya, walang halaga ng buwis na makatutumbas sa masasamang epekto ng sugal sa lipunan, at sinabing bukas siya sa ideya ng pagbuwag mismo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation bilang resulta ng isang total ban sa pagsusugal sa bansa.

“Kahit magkano ang pera na ipakita mo sa ‘kin, hindi magbabago ang personal posisyon ko na dapat hindi payagan ang gambling dahil masama yan sa lipunan,” aniya.