SA kabila ng maraming pagtutol, nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na anti-terror bill na tuluyan ng naging batas.
Ito ang kinumpirma ni Presidential spokesman Harry Roque sa isang text message.
Layunin ng naturang batas na palakasin pa ang Human Security Act of 2007.
Sa ilalim ng Anti-Terrorism Act, mas maliwanag ang pakahulugan at mga elemento ng krimen ng terorismo. Sakop din ang terorismo sa labas ng bansa.
Sabi ng mga may-akda, protektado raw nito ang lehitimong paggamit sa kalayaan ng pamamahayag at pagtitipon-tipon..
Puwede ring kasuhan ang pagpaplano at paghahanda na maghasik ng terorismo.
Pinalalawig rin ang panahong puwedeng manmanan ang hinihinalang terorista basta may basbas ng korte.
Tanggal din ang safeguard na P500,000 multa kada-araw sa maling pagkulong at pag-freeze ng assets ng hinihinalang terorista.
Pero ang pinakakontrobersyal dito ay puwedeng makulong ang hinihinalang terorista nang 14 hanggang 24 araw nang walang kaso.
Una nang sinabi ng Integrated Bar of the Philippines at iba’t ibang grupo ng mga abogado na “unconstitutional” ito sa dahilang inaagawan daw ng kapangyarihan ng ATC ang hudikatura sa mga probisyon nito.
Pangamba naman ng maraming oposisyon at aktibista, maaari itong magamit kahit sa mga kritiko ng gobyerno kahit hindi ka naman terorista.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA