June 20, 2025

‘BOY DILA’ NG SAN JUAN, HIMAS-REHAS ANG BAGSAK (Dahil sa pagsitsit sa menor de edad)

SAN JUAN CITY — Muling naging laman ng balita ang viral personality na si Lexter Castro, mas kilala bilang “Boy Dila,” matapos siyang madakip at makulong sa San Juan City Police Station ilang araw bago ang pagdiriwang ng “Wattah Wattah” Festival sa Hunyo 24.

Sa halip na masayang muling bisitahin si Castro para sa panayam ng isang reporter mula sa GMA Integrated News, natagpuan nila ito sa kulungan dahil umano sa paglabag sa Safe Spaces Act o mas kilala bilang “Bawal Bastos Law.”

“Nakasuhan po ako ng Anti-Bastos Law, sir, eh. Sa pagsitsit po, sir,” pag-amin ni Castro sa panayam. Nang tanungin kung siya ba’y nang-bastos ng babae, kumpirmado niyang ang biktima ay isang menor de edad. Inamin din ni Castro na nakainom siya ng alak noong mga oras na iyon at nadala lang daw siya ng kanyang emosyon.

Ang Safe Spaces Act ay batas na layong protektahan ang publiko laban sa lahat ng anyo ng gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar, opisina, paaralan, at online platforms. Kabilang dito ang catcalling, pagsipol, malaswang pananalita, at iba pang hindi kanais-nais na kilos.

Samantala, bumaha ng reaksyon online mula sa mga netizens matapos mabasa ang ulat tungkol sa pagkakaaresto ni “Boy Dila.” Sa Reddit, umani ng papuri ang balita mula sa mga Pilipino na naaalala pa ang viral na insidente ni Castro noong 2024.

“The best news I saw tonight… Boy Dila is in jail,” saad ng isang netizen sa Reddit post na agad nakalikom ng 1,600 upvotes sa “r/Philippines.”

Matatandaang noong nakaraang taon, naging kontrobersyal si Castro matapos siyang kuhanan ng video habang paulit-ulit na binabasa ng tubig ang isang motorcycle rider sa kasagsagan ng “Wattah Wattah” Festival, sabay labas ng dila at tila nang-aasar. Ayon kay Castro, humingi naman siya ng permiso pero tumanggi ang rider dahil may pupuntahang meeting. Gayunman, ipinagpilitan pa rin niyang basain ito kaya’t kalaunan ay napilitang maglabas ng public apology.

Bilang tugon sa mga kaguluhan noong nakaraang taon, nagpatupad ngayon ng mas mahigpit na patakaran ang San Juan City kaugnay sa selebrasyon ng Wattah Wattah Festival. Ipinagbawal na ang “basaan” sa mga barangay gaya ng Balong-Bato — tinitirhan ni Castro — at itinakda lamang ang mga “Basaan Zones.”

Ang mga itinalagang lugar para sa basaan ay mula sa Pinaglabanan Road (sa pagitan ng N. Domingo St. at P. Guevarra St.) at sa Pinaglabanan Shrine, at limitado lamang ang selebrasyon mula 7:00 AM hanggang 2:00 PM.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig, pamimilit sa pagbukas ng sasakyan, pananakot, pananakit, at ang pagbabasaan sa labas ng itinalagang lugar.

Ang “Wattah Wattah” Festival ay taunang pagdiriwang tuwing Hunyo 24 bilang paggunita sa kapistahan ni San Juan Bautista. Ang aktong basaan ay sumisimbolo sa pagbibinyag na ginawa ni San Juan kay Hesus sa Ilog Jordan — isang tradisyon na sinasabing nagsasahimig din ng “buhos ng biyaya” at pag-unlad sa lungsod ng San Juan.

Pero sa kaso ni Boy Dila, tila hindi biyaya kundi batas ang bumuhos sa kanya ngayong taon.