January 24, 2025

BORACAY SOBRANG MAHAL? MAYOR DUMEPENSA

Sobrang mahal nga ba ng Boracay para sa mga turista?

Ito ang ikinababahala ni Tourism Secretary Christina Garcia-Fracso matapos dumaing ang mga stakeholders kaugnay sa mataas na singil sa tourist paradise. Nakatakdang makipagpulong ang tourism department sa local officials upang pag-usapan ang isyu.

“Yung mga charges lang naman natin ‘yung environmental fee lang naman saka terminal fee. ‘Yun lang naman, dalawa. Wala namang ibang charges dyan,” ayon kay Mayor Floribar Bautista ng Malay, Aklan.

Ayon kay Bautista ang environmental fee ay P150 para sa mga Pinoy at P300 sa mga dayuhan, subalit ang terminal fee ay P150 para sa lahat guests. Ibig sabihin, kailangan magbayad ng P300 habang P450 sa mga dayuhan sa tuwing bibisita sila sa Boracay.

Paliwanag ng alkalde, natural lamang sa mga negosyo na mangkolekta ng bayad sa mga bisita.

“Sa kanila na yun, wala naman kami doon, ang LGU. Ang sa amin lang naman, yung obvious business taxes, kinokolekta namin sa establishments.”

Kinumpirma rin ng alkalde na nabigo ang Boracay na ma-meet nila ang kanilang 2024 target na 2.3 million visitors, na nakapagtala lamang ng 2.07 milyon na tourist arrivals mula Enero hanggang Disyembre noong nakaraang taon.

Partikular na sinisi niya ang panahon, kaunting tourist arrivals at mga pagbabago sa academic calendar.

“May mga factors na alam naman natin ‘yun last year, yung panahon. And then isa pa, yung paga-change ng schedule ng classes. Nakaapekto din yun. And then yung bumaba talaga yung Chinese national arrivals,” aniya.

Hindi rin aniya ganoon karami na South Korea group tours ang bumisita sa Boracay dahil sa mahabang biyahe mula airport hanggang sa isla.

“Gusto kasi nila ‘yung airport ay dito na sa Caticlan. Ang problema naman ng Caticlan ay short ‘yung runway niya. Kulang pa doon sa pwede sa malaking mga eroplano,” saad niya.

“So sa Kalibo sana ang proposed namin, eh ayaw naman sa Kalibo dahil malayo daw, it took them at least 2 hours from Kalibo to Caticlan then Boracay.”

“Kaya ang preferable nila, kung saan ‘yung mga destination na may airport agad doon,” paliwanag niya.

Sabi pa ng alkalde, kailangan pa ng mas maraming promosyon at marketing ang Boracay upang madagdagan ang turista. “Kaya nang sumama kami sa , we joined the World Social Market nung November 4 doon sa London, yun biglang pumick-up yung arrival namin ng Boracay. May Europeans na market ngayon,” saad niya.