November 24, 2024

BONGBONG OPISYAL
NANG INENDORSO
NG PDP-LABAN

OPISYAL nang inendorso ng PDP-Laban wing na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang kandidatura ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay base sa Resolution No. 26, Series of 2022 na inilabas ng National Executive Committee ng partido na kinabibilangan din ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa resolusyon, pinili nito si Marcos dahil siya ang kandidato “whose platform is most aligned with the development program of President Rodrigo Roa Duterte.”

Bukod dito, si Marcos din ang nakakuha ng pinakamaraming endorsement mula sa mga lokal na konseho ng PDP-Laban.

Nilinaw naman ni Cusi, presidente ng PDP-Laban, na ang pagsuporta ng partido sa kandidatura ni Marcos Jr. ay hindi nangangahulugang suportado rin ni Duterte ang anak ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

“Ito po ay hindi desisyon ng isang tao, ito po ay desisyon ng partido,” paliwanag ni Cusi.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Duterte na mahinang lider si Marcos Jr.

“Hindi ako bilib sa kanya. He is really a weak leader,” ani Duterte sa kanyang talumpati sa Calapan City noong Nobyembre ng nakaraang taon.